Ni: Marivic Awitan

HUMULAGPOS sa San Beda College ang tsansang mabawi ang titulo makaraang ibitin ng 4th seed CSB-La Salle Greenhills ang kanilang twice -to-beat incentive sa pamamagitan ng 83-72 panalo kahapon sa simula ng Final Four round ng NCAA Season 93 junior basketball tournament sa MOA Arena.

Nagtala ng game-high 27 puntos si Joel Cagulangan, kabilang ang 12 sa first canto upang pangunahan ang Junior Blazers sa paggapi sa topseed Red Cubs.

Nag-ambag naman ng 17 puntos si Joshua Marcos habang nagdagdag ng tig-11 puntos sina Jacob Lao at Inand Fornillos para sa nasabing panalo na pumuwersa ng winner take all match kontra Red Cubs sa darating na Nobyembre 7 sa parehas ding venue.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We’re in a quest, we’re on a mission,” pahayag ni Junior Blazers coach Marvin Bienvenida. “We really want something and hope it continues in the coming games. “

Pinangunahan naman ni Germy Mahinay ang losing cause ng dating 7-time juniors champion sa ipinoste nitong 13-puntos kasunod si Evan Nelle na nagtala ng 11-puntos.

Bagama’t nagawa nitong mapuwersa ang LSGH sa 21 turnovers kumpara sa itinala nilang 13 errors, ang pagiging maalat nila sa field ang naging dahilan ng kabiguan ng Taytay-based dribblers na nagtala lamang ng 36.49 percent field goal shooting matapos makapagbuslo ng 27 mula sa kanilang 74 na attempts kumpara sa 29 out of 63 ng LSGH na may katumbas na 46.03 percent.