Ni: Fer Taboy

Patay ang apat na umano’y miyembro ng kidnap-for-ransom group makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Carmona, Cavite, kahapon ng madaling araw.

Nakasaad sa report kay Cavite Police Provincial Office (CPPO) director Senior Supt. William Segun na nangyari ang engkuwentro dakong 4:34 ng umaga sa Carmona.

Sinabi naman ni Chief Supt. Glen Dumlao, director ng PNP-AKG, na pinangunahan ni Senior Supt. Arthur Masongsong ang operasyon laban sa kidnap-for-ransom group.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Matagal nang sinusubaybayan ng PNP-AKG ang mga suspek sa pagkakasangkot sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyante na junket operator ng Resorts World Manila.

Nagsagawa ng surveillance operation laban sa mga suspek nitong Miyerkules ng gabi na nagsimula sa Barangay Pala-Pala sa Dasmariñas City hanggang sa San Lazaro Road, sa Sitio Ulong Tubig, Carmona.

Pagsapit sa naturang lugar ay pinahinto ang mga suspek na sakay sa kotse, ngunit bigla umanong pinutukan ng mga ito ang mga pulis, na gumanti ng putok at napatay ang mga salarin.

Nakuha ng pulisya sa mga suspek ang tatlong .9mm at isang .45 caliber pistol.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek.