Ni GLEN DEL NAZARIO
“PAGKAPILIPINO natin ‘yung nawasak du’n.”
Nangingilid ang luha ni Robin Padilla nang banggitin ito sa paglulunsad ng Tindig Marawi, isang adbokasiya na layuning muling buuin at isailalim sa rehabilitasyon ang nawasak sa digmaan na capital ng Lanao del Sur.
Sa press conference sa Ilustrado restaurant sa Intramuros, ipinaliwanag ni Robin ang iba’t ibang layunin ng kampanya, una ay ang pahingi ng suporta at tulong mula sa mga pribadong kumpanya at mga organisasyon.
“Makakuha ng suporta mula sa mga pribadong indibidwal, korporasyon, at mga organisasyon upang sama-sama nating tulungan ang rebuilding o ang pagbangong muli ng Marawi na sa loob limang buwan ay winasak ng digmaan,” ani Robin.
Ayon sa aktor, hindi kayang gampanan ng iisang tao o grupo o ng gobyerno lamang ang muling pagtinding ng siyudad.
Sinabi niya na dapat itong pagtulung-tulungan ng lahat ng mga Pilipino, anumang uri, Katoliko man, Muslim o Jew.
“Hindi ko po kayang mag-isa ‘to.”
Inihayag ni Robin na inako niya ang pagbubuo ng kampanyang ito dahil ang kapayapaan at ang Mindanao ay parehong mahalaga sa kanya, at higit sa lahat, siya ay Pilipino.
“Halos madurog ang aking damdamin, ang aking puso ang aking kaluluwa sa digmaan sa Marawi,” aniya.
Humingi siya ng tulong kina Amor Maclang ng GeiserMaclang; Bvavnah Suresh, CEO at managing director ng Lamudi, ang pinakamalaking global portal ng real estate; Lito Villanueva ng Kasama Ka at Dr. Potre Diampuan, guro at inter-faith advocate.
Pangungunahan ni Lamudi ang pagatatayo ng mga bahay sa Marawi City. Ayon kay Padilla, ang mga bahay ay hindi ang mga bahay na “generic” na kadalasang ibinibigay. “Minsan ‘yung bahay na ibibigay wala pang lababo, walang CR, poproblemahin pa nila ‘yun.”
Tutulungan naman ng Kasama Ka ang mga Maranao para muling maitindig ang kabuhayan at maitaguyod ang “inclusive growth and relive the spirit of bayanihan.” Ang bawat Pilipinong lalagda sa Kasama Ka sa pamamagitan ng Kasama Ka.com, o magti-text ng KKK sa 2929015555, ay piso ang magiging ambag sa nilalayong “P10 million to kickstart the Tindig Marawi Livelihood Fund.”
Sakunang gawa ng tao
Sinabi ng aktor na ang “man-made calamity” ay maaaring pigilan kung tatayo tayo sa ating mga pinaninindigan o pagmamahal sa bayan.
“Hindi ito po kalamidad na ‘binigay ng kalikasan, ito po ay man-made. Ito po sana ay naiwasan natin kung itinindig natin ‘yung pagka-Pilipino natin. Kung binuhat natin, isinabuhay natin ‘yung pagka-Pilino natin, Nna tayo ay mahalan, tulungan, bayanihan, hindi po sana ito nangyari.”
Nananawagan siya ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagbuo at rehabilitasyon ng siyudad upang ipakita sa mundo na kaya nating magkabuklud-buklod anuman ang ating relihiyon o political affliation, at handa tayong isantabi ang lahat ng ito sa ngalan ng pagkakaisa.
Inamin ni Robin sa presscon na siya ay die-hard Duterte supporter ngunit klinaro niyang ang kampanya ay walang kinalaman dito. “Labas ho ito du’n, wala hong kinalaman ito doon.”
Sinabi rin niya na wala siyang balak pumasok sa pulitika.