Ni: Gilbert Espeña
HINDI man naiuwi ang titulo, nagkasya naman si Filipino Grandmaster Mark Paragua sa premyong $1,000 matapos manguna sa Mixed Doubles category kasama ang katambal na Amerikanong player na si Rachana Bhanuprasad.
Ang tubong-Bulacan na si Paragua ay nakalikom ng 4.5 puntos sa Open section habang nakapag-ambag naman si Bhanuprasad ng 5.5 puntos sa Under 1300 section sa katatapos na 4th Annual Washington Chess Congress nitong Oktubre 6-9, 2017, na ginanap sa Hilton Crystal City sa Arlington, Virginia, sa United States.
Nagkampeon si Iranian GM Elshan Moradiabadi sa Open section na may 6.0 puntos tungo sa champion’s purse na $3,100.
Magkasalo naman sa ika-2 hanggang ika-4 na puwesto sina GM Timur Gareyev, GM Denis Kadric at IM Praveen Balakrishnan na may natipong tig-5.5 puntos para tumanggap ng tig-$933.34.
Tampok naman ang pamamayagpag ni solo 5th placer Liran Zhou matapos makaipon ng 5.0 puntos para mahablot ang top under 2300 award at maiuwi ang $1,400.
Overall, tumapos ng ika-6 hanggang ika-10 puwesto sa Open section si Paragua kasama sina FM Jennifer R Yu, FM Akshita Gorti, Andy Huang at Jeffrey L Quirke.
Sa panig naman ni Bhanuprasad, nasa ika-2 hanggang ika-4 na puwesto siya sa Under 1300 section kasama sina Anish M Mariappan at Pracheth Godlaveti.
Si John Sandberg ang nagkampeon naman sa Under 1300 matapos makalikom ng 6.0 na puntos tungo sa top prize $1,000.