Ni: Celo Lagmay
MAKARAAN ang maingat na obserbasyon sa maigting na pagpuksa ng illegal drugs, napansin ko pa rin ang palihim na paglisaw ng mangilan-ngilang users at pushers sa ilang lugar sa Metro Manila at sa mga karatig na komunidad. Sa kabila ito ng utos kamakailan ni Pangulong Duterte na ipaubaya na lamang sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at hindi sa Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa ipinagbabawal na droga.
Hindi ito nangangahulugan ng pagmamaliit sa kakayahan ng PDEA sa pagsugpo sa illegal drugs at sa pagtugis sa mga sugapa na walang habas sa paggamit at pagbebenta ng shabu at iba pang bawal na gamot. Bihasa sila sa pagtultol ng mga laboratoryo ng droga. Ayon sa batas, sila lamang ang may karapatang magpatupad ng mga regulasyon hinggil sa illegal drugs. Subalit ang naturang direktiba ay ‘tila pinagpistahan ng mga lulong sa droga; pinagtawanan nila ito at patuloy silang nakapamamayagpag sa kasumpa-sumpang bisyo.
Tanggapin natin na hindi magagampanan ng 2,000 ahente ng PDEA ang tungkulin na dating ipinatutupad ng 140,000 puwersa ng PNP. Ibig sabihin, pilay ang nasabing drug agency sa paglipol ng mga sugapa sa droga; lalo na kung iisipin na ang 92 porsiyento ng mga barangay sa buong kapuluan ay talamak sa illegal drugs — malubhang problema na kailangang harapin ng PDEA.
Dahil dito, nais kong itanong: Bakit nga ba inilipat ng Pangulo sa PDEA ang pananagutan sa pagpuksa ng illegal drugs?
Bakit hinubaran ng responsibilidad ang PNP, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang security agency gayong ang mga ito ay epektibo sa paglipol ng mga salot ng lipunan? May puwersa kayang bumundol, wika nga, sa Pangulo upang baguhin ang kanyang estratehiya sa pagsugpo sa droga na naging eksena ng pagpatay ng mga sugapa?
Sa harap ng gayong mga pag-uusisa, hindi marahil kalabisang hilingin sa Pangulo na ibalik sa PNP at NBI ang pagpapaigting ng kampanya laban sa illegal drugs. Sa gayon, ang mga ito — sa pagtuwang ng PDEA — ay magsisilbing isang ‘composite team’ sa pagpuksa hindi lamang ng droga kundi maging ng iba pang krimen na gumigiyagis sa mga komunidad.
Sa gayon, hindi magsasapawan ang nabanggit na mga ahensiya sa pagtupad sa maselang misyon. Manapa, ang mga ito ay magkakatulungan—collective effort—upang matamo ang adhikain ng Pangulo na ganap na masugpo ang illegal drugs; na hindi siya titigil hanggang hindi nalilipol ang pinakahuling sugapa sa droga.