Ni: Ric Valmonte
BUMAGSAK ang public satisfaction at approval rating ni Pangulong Duterte. Subalit, ayon sa Social Weather Stations, nasa kategorya pa rin ito ng “very good”at good”. Pero walang interes ang Pangulo sa mga survey, ayon sa Malacañang.
Ang mahalaga sa kanya, aniya, ay ang napakalaking botong mahigit anim na milyong kalamangan niya sa kalabang sumunod sa kanya noong nakaraang halalan.
Mahalaga ito kung ang kukuwentahin lamang ay ang pagkapanalo. Pero, pagkatapos nito at ikaw na ang nagpapatakbo ng gobyerno, higit na mahalaga ang moral authority mong mamuno. Ikaw kasi ang tinitingnang modelo ng taumbayan. Kung ano ang ipinasusunod mo sa kanila, ikaw ang unang gumagawa nito. Sa demokrasya, nagogobyerno ang namuno sa kapahintulutan ng kanyang pinamumunuan.
Kaya may kahirapan pa ring magpatakbo ng gobyerno si Pangulong Digong dahil may bahid ang kanyang moral authority.
Kamakailan, tinanggap niya ang pagbibitiw ni Comelec Chairman Andy Bautista. Bagamat sa letter of resignation ng chairman, sinabi niyang magiging epektibo ang pagbibitiw niya sa huling araw ng Disyembre 2017, ginawa niya itong sa araw mismo ng pagtanggap ng Pangulo sa kanyang resignation. Na-impeach na noon ng Kamara si Chairman sa kasong impeachment na isinampa sa kanya ng kanyang maybahay. Isa sa mga naging batayan ng impeachment ay ang kanya umanong tagong yaman. May mga ari-arian, aniya, si Bautista na hindi niya idineklara sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN).
Nakabimbin ngayon sa House Committee on Justice ang impeachment case ni Chief Justice (CJ) Ma. Lourdes Sereno ng Korte Suprema. Hiniling ni Chief Justice na ma-cross examine ng kanyang mga abogado ang sinumang testigo na ihaharap sa pagdinig ng kanyang kaso. Bantulot ang mga mambabatas dahil ang nais nila ay ang Punong Mahistrado mismo ang magko-cross examine.
Nais naman ni Atty. Gadon, na nagrereklamo laban kay CJ, na si Pangulong Digong mismo ang magpiprisinta ng ebedensiya. Pero ano ang pangunahing batayan ng reklamo laban kay CJ Sereno? Tagong yaman din. Hindi raw niya idineklara sa kanyang SALN ang milyong salapi na kanyang kinita bilang abogado ng PIATCO.
Tagong yaman din ang reklamo laban kay Pangulong Digong. May mga bilyong pera raw ang Pangulo na nakadeposito sa mga bangko na hindi niya isiniwalat sa kanyang SALN. Hinamon siya ni Sen. Antonio Trillanes na ihayag niya ito at lumagda siya ng waiver na nagpapahintulot na buksan ang kanyang mga bank account.
Sa halip na tanggapin ang hamon, napikon ang Pangulo at binuweltahan ang senador na ito ang may itinatagong yaman na nakadeposito sa iba’t ibang bansa. tulad ng Singapore. Nang patunayan ng Senador na hindi totoo ang paratang ng Pangulo, dahil siya mismo ay nagtungo sa Singapore at humingi ng sertipikasyon sa bangko na binanggit ng Pangulo na walang account sa kanyang pangalan, minali raw ng Pangulo ang bank account number.
Kaya isyu itong tagong yaman ng Pangulo at nais ng ilang sektor na malaman sa kanya ang katotohanan. Nangangalap nga ng isang milyong lagda ang Tindig Pilipinas upang obligahin ang Pangulo na pumirma ng waiver upang mahalukay ang kanyang deposito sa mga bangko, kung mayroon man. Kaya sabi nga ng kilusan “PIRMA, HINDI PORMA”. Hanggang hindi nareresoba ang isyung tagong yaman ng Pangulo, mabigat na bagahe itong kanyang dala-dala sa pagpapatakbo niya ng gobyerno, at pagdidisiplina sa mga kawani nito.