Ni: PNA
NILAGDAAN ng environment authorities at mga lokal na opisyal sa Palawan ang kasunduan hinggil sa epektibong pangangasiwa at pagbibigay ng proteksiyon sa mahahalagang marine habitats na saklaw ng Northeastern Palawan Marine Protected Area (NPMPA) network.
“They agreed to increase aquatic biodiversity within the MPA network and create economic opportunities for surrounding residents based on the principles of sustainable development,” lahad ni Provincial Information Officer Gil Acosta, Jr.
Nilagdaan ang kasunduan nitong Oktubre 17 ng mga alkalde ng Roxas, Dumaran, Araceli, Taytay, El Nido at Linapacan, kasama ang pamahalaang panglalawigan na kinatawan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) at ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), ayon kay Acosta.
Upang maisakatuparan ang mga layuning ito, nagkasundo ang mga partido na bumuo ng MPA Network Management Board (MNMB) na kabibilangan ng mga alkalde sa lalawigan.
Bubuuin din ang management committee na ang pangunahing tungkulin ay bantayan ang implementasyon ng NPMPA at ang pagpapatupad sa mga polisiya nito na sumasaklaw sa limang grupo sa loob ng 1,008,305 ektarya ng karagatan.
Ang bawat munisipalidad, aniya, ay inaasahang tutulong sa pangangalap ng pondo taun-taon para sa NPMPA at sa matagumpay na implementasyon ng layunin nito.
“The provincial government and the PCSD Staff will serve as oversight agencies that will provide the technical support if needed,” dagdag pa ni Acosta.
Ang pagbubuo ng NPMPA ay naging posible sa tulong ng World Wildlife Fund (WWF) Philippines kasama ang pamahalaang panglalawigan ng Palawan.
“This is an important way to manage marine protected areas covered by the six municipalities. Residents in these towns can further benefit from them if their ecosystems are protected,” aniya.