Ni: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon (MOA Arena)
11 n.u. -- San Beda vs CSB-LSGH (jrs)
1 n.h. -- Mapua vs Letran (jrs)
3:30 n.h. -- San Sebastian vs JRU (srs)
MAKAMIT ang karapatang harapin ang defending champion San Beda College para sa pagkakataong makaduwelo ang Lyceum of the Philippines University sa best-of-3 finals series ang pag-aagawan ng 4th seed San Sebastian College at third seed Jose Rizal University sa simula ng stepladder semifinals ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa MOA Arena.

Matagal na napahinga dahil kinailangang hintayin kung sino ang magiging huling semifinalists, kumpiyansa pa rin ang Heavy Bombers sa kanilang naging preparasyon sa stepladder semis.
Gaya ng dati, depensa ang naging focus ng paghahanda ng JRU kung saan inaasahan nilang mag-step-up upang makontrol ang boards ang mga foreign big men na sina Abdulrazak Abdulwahab at Abdel Poutouchi.
Sa kabilang dako, gagamitin namang buwelo ng Stags ang panalo kontra Letran Knights kung saan nagposte ng career high 36 puntos si Michael Calisaan at nakipagsanib puwersa kay team captain Ryan Costelo upang makopo ang 4th semifinals slot.
“Ever since yun naman talaga ang problema naming, yung big men. Pero hindi naman nawawala sa min yung puso para lumaban,” pahayag ni Stags coach Egay Macaraya.
Bukod kina Calisaan at Costelo, aasahan din ni Macaraya sina Allyn Bulanadi, Jason David, RK Ilagan at Alfred Gayosa para tapatan ang tropa ni coach Vergel Meneses na pamumunuan naman nina Tey Teodoro, pro bound Ervin Grospe at Jed Mendoza.