Ni: Marivic Awitan
PINATIBAY ni Kiefer Ravena ang kanyang estado bilang isa sa pinakaimportanteng rookie draftee sa PBA nang kanyang kumpletuhin ang dominasyon sa katatapos na dalawang araw na Gatorade Draft Combine kung saan pinangunahan niya ang kanyang koponan sa kampeonato.
Ginapi ng Team A-2, sa pamumuno ni Ravena kasama sina Fil-Am Robbie Herndon, Jason Perkins, Lervin Flores, Chris de Chavez, Elmer Cabahug, at Christian Geronimo, ang Team B-3 na pinangungunahan ni Jeron Teng, 83-72, sa finals ng mini-tournament nitong Martes sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong City.
Halos hinakot ng dating Ateneo standout ang karamihan sa mga awards sa Draft Combine kabilang na ang MVP honors.
“Maybe my competitiveness really showed up that I didn’t want to lose,” pahayag ni Ravena. “My mindset is to really win as much as I can, whether individual skills or team competition, especially the team competition because I really wanted to help my team win and make my teammates look as good as I can here in the combine.”
Kasama ni Ravena na napili sa Mythical Team sina Perkins, Herndon, Teng, at Raymar Jose.
Magdiriwang ng kanyang ika-22 kaarawan bukas (Oktubre 27), para kay Ravena magandang regalo na ang oportunidad na makuha siya at makapaglaro sa pro ranks.
“Malapit na ang birthday ko, so perfect gift na para sa kin kahit saan mang team ako mapunta.,” ani Ravena.”I’m just praying hard and hoping for the best. “
“I knew it’s going to be difficult,but I’ll be prepared, “ dagdag pa ni Ravena na nahihinuhang magiging second overall pick para sa NLEX sa darating na Draft na magaganap sa Linggo ng hapon (Oktubre 29) sa Robinson’s Place Manila.