Ni ELLALYN DE VERA-RUIZ, May ulat ni Genalyn D. Kabiling
Libu-libong bakwit na naapektuhan ng krisis sa Marawi City ang maaari nang magbalik sa kani-kanilang bahay sa siyudad simula sa Linggo, Oktubre 29.
Tinukoy ang report ng Task Force Bangon Marawi (TFBM), sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaari nang makauwi sa Marawi ang mga pamilyang naapektuhan ng kaguluhan.
Ayon sa DSWD, isinusulong ang masusing koordinasyon sa home-based evacuees, sa mga barangay, at sa mga city o municipal social welfare and development office upang kaagad na maasistehan ang magsisiuwiang bakwit.
Batay sa available na datos mula sa DSWD-Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), nakapagtala ang kagawaran ng 77,000 evacuees na nakatuloy sa 80 evacuation center.
Patuloy na bina-validate at ina-update ng kinauukulang DSWD field offices ang nasabing datos, partikular na para sa mga nakatuloy sa mga evacuation center para mabigyan ng ayuda ang mga ito.
SOCIAL ASSESSMENT
Magsasagawa rin ang DSWD ng social assessment upang matukoy kung paano matutulungan ang mga pamilya na na-trauma sa nangyaring krisis.
Paliwanag ni DSWD OIC Secretary Emmanuel Leyco, magsasagawa ang kagawaran ng sariling social assessment kaugnay ng naging epekto ng bakbakan sa mga residente.
“We are rebuilding communities not just the infrastructure. We need to know how to help people cope with the trauma of their recent ordeal. We need to bring normalcy in Marawi,” ani Leyco.
Nasa Iligan City kahapon si Leyco upang alamin ang sitwasyon sa mga relief repacking areas at kung paano mapabibilis ang rehabilitasyon ng mga komunidad ng mga pamilyang naapektuhan ng krisis.
PANATILIHIN ANG MARTIAL LAW
Samantala, naninindigan naman si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na tama lamang na palawigin ang batas militar sa Mindanao upang matiyak na masusupil ang banta ng terorismo ng Islamic State.
Kahit pa nagapi na ng tropa ng gobyerno ang Maute-ISIS sa Marawi, iginiit ni Esperon na mayroon pa ring mga grupo na nauugnay sa Islamic State na nananatiling banta sa pambansang seguridad.
“We have it up to December 31 so, personally I would like it to stay in place because, while the combat operations are over, let us remember that there are probable and possible elements that would still carry on the affiliation to ISIS,” sinabi ni Esperon sa panayam sa kanya kahapon sa Manila port.
“I am talking about elements of Abu Sayyaf, of the BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters) and other radicalized elements. So—plus, of course, the reconstruction itself and rehabilitation will really somehow benefit from the martial law that we have,” dagdag pa ni Esperon.
Naniniwala si Esperon na ang pagpapatupad ng martial law hanggang sa Disyembre 31 ay magbibigay sa pamahalaan ng “necessary leeway” o “maneuver room” upang matugunan ang mga bantang pangseguridad.