Ni: Annie Abad

MAAGA ang pamasko para sa atletang Pinoy na namayagpag sa nakalipas na 7th Southeast Asian Para Games sa Kuala Lumpur, Malaysia at Asian Indoor and Martial Arts Games sa Ashgat, Turkeministan.

Ipinahayag kahapon ng Philippine Sports Commission (PSC) na aprubado na at handang ipaamahagi ang cash incentives para sa mga medallists sa dalawang international multi-event tournament.

Ayon kay PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, itinakda ang pagbibigay ng cash incentives bukas (Oktubre 27) ganap na 11:00 ng umaga sa Multi-Purpose Hall sa Philsports (dating ULTRA) sa Pasig City.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Inayos natin para mas mapaaga ang pamasko natin sa ating mga atleta. Alam naman natin na marami sa kanila ang mga pamilya ay nasa mga probinsiya. Nagbigay sila ng karangalan sa ating bansa, they deserved to receive accolades and additional incentives,” pahayag ni Ramirez.

Batay sa Republic Act 10699 (Coverage of Incentives Granted to National Athletes and Coaches) nakatakdang tumanggap ng P2 milyon ang gold medalist sa AIMAG, habang P1 milyon ang silver at P400,000 ang bronze.

Umani ng 26 medalya ang martial arts athletes tampok ang gold medalist na sina Margarita Ochoa (women’s -45 kg.) at Annie Ramirez (women’s -55 kg.). nakapag-uwi rin sila ng 14 silver, kabilang sina Rio Olympics weightlifter Hidilyn Diaz at two-time World 10-ball champion Rubilen Amit.

Ang iba pang silver medalists ay sina jiu-jitsu’s Marc Alexander Lim, Gian Taylor Lee and Jenna Napolis; tae kwon do’s Rodolfo Reyes Jr., Jocel Lyn Ninobla; muaythai’s Philip Delarmino; athletics’ Eric Shauwn Cray; dancesport’s German Enriquez and Dnella Publico; bowling’s Kenneth Chua at women’s team nina Liza Del Rosario, Marian Posadas, Alexis Sy at Krizziah Tabora; chess’ Jan Garcia at Paulo Bersamina; at billiards’ Chezka Centeno.

Nagwagi naman ng bronze medal sina Alvin Lobrequinto at Jefferson Manatad sa wrestling; Kristopher Uy, Kirstie Alora, Francis Agojo, men’s poomsae team, at women’s poomsae team; Kristel Macrohon ng weighlifting; Rolan Llamas ng kurash; Warren Kiamco, Johan Chua at Carlo Biado sa billiards; Garcia, Bersamina, Janelle Mae Frayna at Shania Mendoza sa chess; Gerald Jamili at Cherry Parcon sa dancesport.

Pinangunahan naman ang Para Games medallists nina triple-gold winners Cielo Honasan (athletics) , Cendy Asusano (athletics) at Sander Severino (chess). Nakatakda silang tumangap ng tig-P450,000.

Humakot ang Pinoy Para Gamers ng kabuuang 20 ginto, 20 silver at 29 bronze medal para tumapos sa ikalimang puwesto sa overall standings. Nalagpasan nila ang napagwagihang 16-17-26 medalya sa Singapore noong 2015.

“Inaayos na rin natin pati yung procurement system para mabili natin kaagad yung mga kailangan nilang equipment,” pahayag ni Ramirez.

Wala pang opisyal na pahayag ang PSC, maging ang Malacanang kung makadadalo ang Pangulong Duterte sa pagdiriwang.