Ni REGGEE BONOAN
NAPAKALAKAS pa rin talaga ng followings ni Angel Locsin. Napatunayan ito sa episode last Tuesday na siya ang pangunahing tampok sa La Luna Sangre bilang si Jacintha Magsaysay at Lady in Red. Imagine, trending worldwide!
Sinulat namin kamakailan ang nabasa naming usapan sa thread ng mga sumusubaybay sa La Luna Sangre na buhay talaga si Lia (Angel Locsin) na nagbalik bilang si Jacintha Magsaysay para tulungan ang anak na si Malia (Kathryn Bernardo) hanggang sa dumating ang tamang panahon na makukuha na nito ang kapangyarihan bilang bagong itinakda.
Nabasa naming hindi talaga namatay si Lia dahil dumating pala si Samantha (Maricar Reyes-Poon) at kinagat siya bago pa man nalagutan ng hininga kaya naging bampira at lobo na nagpalakas nang husto sa power niya.
Hayun, napanood na namin ang napakagandang eksena nang magpang-abot sina Samantha at Jacintha sa kuwarto ni Gilbert Imperial/Supremo (Richard Gutierrez) habang nasa hospital at nag-uusap.
Ipinakilala ni Gilbert (Richard) si Samantha kay Jacintha bilang kapatid nito sa ama.
May kilig sa sagot ni Sam na si Jacintha pala ang dahilan kaya muling tumibok ang puso ni Gilbert pero pilit na nitong pinatigil.
Ang hindi alam ni Gilbert (Richard) ay magkakuntsaba sina Sam at Jacintha laban sa kanya at totoo ngang ang huli ang nasa likod ng The Moonchasers na tumutulong at nagliligtas kay Malia sa lahat ng laban o kapahamakan.
Pero may malaking balakid sa dalawang kaaway ni Gilbert/Supremo, si Barang/Barry (Sharmaine Buencamino) na nakumpirma na ang dudang si Jacintha at si Lia ay iisang tao, pero ayaw itong paniwalaan ng hari ng mga bampira.
Cliffhanger ang eksena nitong Martes na nakita ni Barang/Barry na nag-uusap sina Samantha at Jacintha na nag-toast pa ng mga kopita na may lamang dugo.
Trending worldwide ang revelation na si Jacintha ay si Lady in Red din bukod pa sa napakaganda ni Angel sa eksenang naging lobo ang mga mata at sumabay and paglabas ng mga pangil ng bampira.
Palaisipan naman ang sinabi ni Jethro (Dino Imperial) na nakakakita ng mangyayari na hindi niya mawari kung magiging kaaway ni Malia si Tristan Torralba (Daniel Padilla) na tuwing maghahawak ng kamay ay napapaso.
Ayaw nang magpaawat si Malia sa pagyakap sa kanyang kapalaran lalo pa’t mas naipapakita na niya ang kanyang lakas at kapangyarihan. Matagumpay niyang napamunuan ang LLU sa pagsakop sa kuta ni Sandrino at napatay niya rin si Omar (Ahron Villena). Hindi naman inaasahan na natuklasan na ni Tristan na mga lobo at bampira pala ang kakampi niya sa kanyang grupo.
Excited na ang avid viewers ng La Luna Sangre sa mga susunod na gagawin ni Malia bilang bagong Punong Bantay at sa susunod ding gagawin ni Jacintha kontra kay Sandrino, kapag nagkrus ang landas nina Jacintha at Malia, at kung tuluyan na nga bang magiging mortal si Sandrino.
‘Kaloka ang seryeng ito, hindi na kami makapaglakwatsa nang basta-basta sa gabi at baka may ma-miss kami sa mga pinag-uusapan ng netizens.
