Ni: Mary Ann Santiago
Isang wanted na drug pusher ang namatay nang barilin sa sentido ng hindi nakilalang salarin habang nagbibisikleta hindi kalayuan sa barangay headquarters sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Arthur Sarmiento, 44, binata, walang hanapbuhay, at taga-Tambunting Street, Sta. Cruz, Maynila, dahil sa tinamong tama ng bala sa kaliwang sentido.
Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin na mabilis na nakatakas.
Batay sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 2:40 ng umaga nang mangyari ang krimen sa Hermosa Street, kanto ng Airport Street, sa Tondo.
Sa salaysay sa pulisya ni Manuel Jacinto, OIC chairman ng Barangay 200, Zone 18, sinabi niyang kauuwi lamang niya sa kanyang bahay na katabi lang ng barangay headquarters nang makarinig siya ng putok ng baril sa hindi kalayuan.
Kaagad umano siyang lumabas hanggang makita niya ang biktima na duguang nakahandusay at may tama ng bala sa ulo, habang nakaipit pa sa mga hita nito ang sinakyang bisikleta.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen matapos matukoy na isa umanong drug pusher si Sarmiento, na target ng manhunt operation ng MPD-Station 7.