ANG Brigada Eskuwela ay ang taunang programa ng Department of Education (DepEd) upang ihanda ang mga paaralan sa bansa sa pagbubukas ng panibagong school year tuwing Hunyo. Alinsunod sa konsepto ng pagiging responsable ng bawat isa sa komunidad, inihahanda nito ang mga silid-aralan, pasilidad, at bakuran ng mga eskuwelahan sa bansa sa tulong ng komunidad, kabilang ang sektor ng negosyo at mga grupong sibiko. Nakikiisa sila sa isang linggo ng aktuwal na paglilinis sa mga paaralan, pagkukumpuni ng mga bintana, pagpipinta ng mga pader, at iba pang mga aktibidad na layuning maging akma at paborable ang kapaligiran para sa mas maayos na pag-aaral ng mga bata.
Ngayong buwan at sa susunod pa, malawakang paiiralin sa Marawi ang konsepto ng Brigada Eskuwela. Bagamat saklaw ang Marawi ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na may sariling regional secretary of education, dahil sa napakalawak na pagkawasak na dinanas ng siyudad sa nakalipas na limang buwan, pangungunahan ng pambansang Department of Education ang programa sa pagkukumpuni at pagsasaayos ng lahat ng paaralan sa Marawi na nawasak sa bakbakan ng puwersa ng gobyerno at ng Maute Group.
Ang recovery plan ng DepEd — ang “Brigada Eskuwela sa Marawi” — ay tututok sa pagkukumpuni ng mga nawasak na gusaling pampaaralan. Maaaring mag-“adopt” ng mga napinsalang paaralan ang alinmang donor institution.
“We are inviting the whole country,” sabi ni Secretary Leonor Briones. “It will be a national Brigada and all are invited to participate.” Aniya, nangangailangan ang kagawaran ng mga donasyong construction material, gaya ng semento, kahoy, pintura, galbanisadong yero, at iba’t ibang tools. Nangangailangan din ito ng mga volunteer para sa karaniwan nang mga proyekto ng Brigada Eskuwela, pero sa mas malawakang kapasidad.
Bukod sa pinsala sa mga paaralan, nariyan din ang panganib sa mga bombang iniwan ng mga terorista at ng mga kasabwat nila mula sa Islamic State sa mga gusaling dating kinubkob ng mga ito. Ang panganib na hatid ng “booby traps” na ito ang nakapigil sa mga tropa ng gobyerno na mabilisang tapusin ang bakbakan, at patuloy na nagbabanta ng panganib sa lahat ng sangkot sa paglilinis sa Marawi.
Habang inaalam ang aktuwal na pisikal na pinsala sa mga paaralan, sinabi ni Secretary Briones na ikinokonsidera rin ng DepEd ang iba pang agarang pangangailangan, gaya ng psycho-social debriefing para sa mga guro at estudyante.
Dumalo ang unang batch ng mga guro sa Psychological First Aid session na idinaos sa Cagayan de Oro City, at mismong si Pangulong Duterte ang nangako ng pondo para rito.
Sinimulan na ang rehabilitasyon ng Marawi sa maraming larangan, at ang pagbabalik ng sistema ng edukasyon ang pinakamahalaga. Libu-libong estudyante ang nagawang makalipas sa iba pang mga eskuwelahan sa Region 10, at sa iba pang rehiyon sa bansa. Subalit nagbabalikan na ngayon ang mamamayan ng Marawi sa kanilang mga bahay, at sa pagbabalik ng kanilang mga anak sa eskuwelahan, dapat lamang na ligtas ang mga ito sa lahat ng posibleng panganib at ganap nang naisaayos bilang bahagi ng rehabilitasyon ng Marawi City.