Ni: Bert de Guzman

NGAYONG tapos na ang bakbakan sa Marawi City at determinado si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ibangon at ibalik ang dating “ganda, kinang at lusog” ng siyudad, layunin din ng ating Pangulo na palakasin ang ekonomiya ng Pilipinas sa kabuuan.

Bilang reaksiyon sa layunin ni PRRD, apat na socio-economic bills ang inihain ni Iloilo City Ferjenel Biron, chairman ng House committee on trade and industry, sa Kamara hinggil sa mga repormang panlipunan at pangkabuhayan. Ang mga ito ay ang non-expiry date ng gift check na pinagtibay na sa bicameral conference committee report; ang maayos na pagnenegosyo sa bansa para mapabilis ang proseso ng aplikasyon sa mga clearance, lisensiya, permiso at iba pang dokumento.

Isa pa ay ang pagsusog sa cheaper medicines law, na siya rin ang may-akda. Iginiit ni Biron na dapat pagtibayin ito ng Kongreso dahil hanggang ngayon ay hindi pa natatamo ang tunay na adhikain nito, ang maging affordable o makaya ng mga tao ang mga gamot na lubhang mataas ang presyo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nakapaloob sa cheaper medicines bill ang paglikha ng drug price regulatory board para itala ang mga gamot na maibababa ang presyo. Sususugan din ang panukalang Corporation Code, na hihingan ang mga stakeholder ng kanilang posisyon tungkol dito.

Mismong si Pangulong Duterte ang nagnanais na maibaba ang presyo ng mga gamot upang mabiyayaan ang mahihirap na pasyente. Layunin din ni PDu30 na palakasin at palusugin ang ekonomiya ng Pilipinas. Naniniwala ang mambabatas ng Iloilo na susuportahan ni President Rody ang kanyang apat na panukalang batas, dahil ang mga ito’y alinsunod sa kanyang layuning maiangat ang kalagayan sa buhay ng mga Pinoy.

Kung sa Kamara na pinamumunuan ni Speaker Pantaleon Alvarez ay isinusulong ang diborsiyo sa Katolikong bansa, ang Pilipinas naman ay hindi handang “makipagdiborsiyo” sa European Union (EU), sa kabila ng pagmumura ni PRRD dito.

Minsan nga, dahil sa “slip of the tongue” o “misinformation”, pinalalayas niya sa bansa ang mga EU ambassador sa loob ng 24 oras, gayong ang dapat niyang kagalitan ay iyong isang EU bloc ng parliamentarians na nagkomento tungkol sa kanyang drug war. Naliwanagan din siya sa dakong huli.

Gusto ni ex-Sen. Edgardo Angara, special envoy to the European Union, na magpatuloy ang relasyon ng PH at EU sapagkat malaking tulong ang naibibigay ng EU sa ‘Pinas sa larangan ng ekonomiya, negosyo, kalakalan at iba pa. Umapela siya sa dating kasamahan sa Senado na apurahin ang pagkatig o concurrence sa Partnership and Cooperation Agreement (PCA) sa pagitan ng ating bansa at ng EU. Pinabulaanan niya ang mga report ng DFA na ayaw nang tumanggap ng ‘Pinas ng ayuda mula sa EU.

May mga nagpapayo kay PRRD na magbakasyon o mamahinga muna upang siya’y maging “sharp” at nasa kondisyon sa 13th ASEAN Leaders’ Summit na dadaluhan ng mga lider ng mundo, kabilang si US Pres. Donald Trump. Napakasipag daw ng Pangulo at mukhang hapung-hapo kaya malimit ay nagkakaroon siya ng “slip of the tongue”, tulad ng sa isang okasyon kasama ang mga piling diplomat nang ihayag niyang tapos na ang pakikipaggiyera niya sa Malaysia (war in Malaysia) gayong ang ibig niyang sabihin ay Marawi (war in Marawi), matapos mapatay sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.

Nadulas din siya nang sabihin niyang EKJs sa halip na EJKs o extrajudicial killings. Isang columnist sa isang English broadsheet ang nagsabi ng ganito: ‘With due respect, we suggest that Pres. Rodrigo Duterte take a brief vacation, rest, and prepare for the ASEAN Summit next month and the side meetings with US Pres. Donald Trump and other foreign leaders.”

Magandang payo ito, at sana, pakinggan ng Pangulo.