Ni: Manny Villar

BINANGGIT din ng ulat sa World Bank na maraming ahensiya sa Pilipinas ang nakatuon sa iba’t ibang aspeto ng proseso ng pangingibang-bansa. Pangunahin sa mga ahensiyang ito ang POEA at ang Philippine Overseas Labor Offices (POLO).

Tinukoy din ng World Bank ang ginagawa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang proteksiyunan ang mga OFW.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Totoo rin naman na may mga reklamo pa rin ang ilang OFW sa mga pagkukulang ng mga ahensiyang ito. Una rito ang kakulangan ng koordinasyon sa isa’t isa, lalo na sa pagpapalitan ng impormasyon.

Ito ang dahilan kung bakit naging adbokasiya ko ang pagtatatag ng Kagawaran ng OFW o Department of Overseas Filipino Workers upang maging sentro ng kapangyarihan sa pagsusulong ng interes ng mga manggagawa sa ibang bansa.

Gayunman, natutuwa ako sa pagkilala ng World Bank sa mga nakaraang hakbang ng pamahalaan upang mapabuti ang pagtatanggol sa karapatan ng mga OFW. Ayon sa World Bank, sa mga bansa sa ASEAN ay ang Pilipinas ang nagsulong ng sistema ng kasunduang bansa-sa-bansa tungkol sa paghahanapbuhay ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Sa kasalukuyan, ang pagkakaroon ng ganitong mga kasunduan ang pinagbabatayan ng Pilipinas kung paano pangangalagaan ng ibang bansa ang karapatan ng mga OFW at kung pahihintulutan ang pagpunta roon ng mga manggagawang Pilipino.

Ayon sa pag-aaral ng World Bank, nakalagda ang Pilipinas ng mga memorandum of understanding at memorandum of agreement sa 23 bansa at apat na pamahalaang sub-national tungkol sa mga manggagawa sa lupa, at sa anim na bansa ukol sa mga manggagawa sa dagat. Kasama sa mga probisyon ng mga kasunduang ito ang pagpapabilis sa proseso ng migrasyon, kuwalipikasyon, pangangalaga sa mga manggagawa, at kooperasyon.

Hindi man perpekto ay mahalagang kasangkapan ang mga kasunduang ito upang pangalagaan ang mga karapatan ng manggagawang migrante. Marami pang kailangang gawin, gaya ng pagtiyak na ipatutupad ang mga probisyon ng nasabing mga kasunduan, ngunit ang mahalaga ay mayroon nang batayan sa kooperasyon.

Isa pang aspeto na pinuri ng World Bank ay ang reintegrasyon. Mahalaga man ang pangangalaga sa mga OFW sa ibang bansa, mahalaga rin na matulungan sila kapag nagbalik na sa bansa. Nagbibigay na ng serbisyo ukol sa reintegrasyon ang OWWA at ang National Reintegration Center for OFWs upang matulungan sila na magkaroon ng kabuhayan. Sa aking pananaw, kailangang palakasin at pagbutihin ang mga programang ito sa pamamagitan ng pagsasanay ukol sa pananalapi, pagnenegosyo at pamumuhunan.

Makatutulong dito ang mga civil society organization (CSO) sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga OFW kung paano gagamitin ang pinaghirapan nilang salapi. Napakalungkot na bahagi ng kuwento ng isang OFW ang biglang paglalaho ng pinaghirapan dahil sa maling desisyon.

Nagsisikap ang Villar Foundation sa gawaing ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga OFW na magamit ang kanilang pinaghirapan upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Sa aming OFW Summit, halimbawa, binibigyan namin sila ng kapasidad at kaalaman sa pagsisimula ng maliit na negosyo. Sa pamamagitan nito, inaasahan namin na unti-unting mababawasan ang bilang ng mga Pilipino na iniiwan ang kanilang pamilya upang kumita ng mas maganda. Ito ang pinakamabuting paraan ng pangangalaga sa kanila—panatilihin sila rito, kasama ang pamilya, at may magandang hanapbuhay o negosyo.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)