NI: Gilbert Espeña
Paglalabanan nina dating IBO light flyweight champion Rey Loreto at Philippine Boxing Federation junior flyweight titlist Ivan Soriano ang bakanteng OPBF junior flyweight crown sa Nobyembre 10 sa Puerto Princesa City sa Palawan.
Nabakante ang OPBF title nang bawiin ang titulo sa dating kampeong si Edward Heno na isa ring Pilipino at nakuha ang korona nang patulugin ang Hapones na si Seita Ogido sa 7th round noong lamang nakaraang Setyembre 10 sa Japan.
Pinupuwersa ni OPBF secretary general at dating Games and Amusement Board (GAB) chairman Ramon Guanzon na magdepensa si Heno ng kanyang titulo kasabay ng kumbensiyon ng samahan sa Puerto Princesa ngunit nagkaproblema ang boksingero nang maospital ang anak kaya tumanggi itong lumaban.
Galing si Loreto sa pagkatalo sa puntos kay WBA minimumweight titlist Thammanoon Niyomtrong sa Bangkok, Thailand kaya bumagsak ang kanyang rekord sa 23-14-0 win-loss-draw na may 15 pagwawagi sa knockouts.
Mas maganda ang rekord ni Soriano sa 16-1-1 win-loss-draw na may 8 panalo sa knockouts at pagkakataon na niyang makapasok sa world rankings dahil nakalista si Loreto na No. 8 ranked kay WBC light flyweight champion Ken Shiro ng Japan at No. 6 contender kay Niyomtrong.