Ni AARON B. RECUENCO, May ulat ni Fer Taboy

Prioridad ng Philippine National Police (PNP) na muling maitayo ang himpilan ng Marawi City Police sa sisimulang rehabilitasyon makaraang ideklara ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Lunes na tapos na ang krisis sa siyudad makalipas ang mahigit 150 araw ng bakbakan.

Sinabi ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na igigiit nilang mapaglaanan ng pondo ang agarang pagtatayong muli sa himpilan ng Marawi City Police.

“The war is over and the rehabilitation will start soon. On our part, our priority is to start the rebuilding of Marawi City Police Station in order to show the symbol of authority,” sabi ni dela Rosa.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Matatandaang sinalakay ng mga teroristang Maute Group ang himpilan ng pulisya sa Marawi sa unang dalawang araw ng pag-atake sa siyudad, na nagsimula noong Mayo 23.

Makaraang samsamin ang mga armas sa presinto, pinatay ng mga terorista ang isang pulis doon at sinilaban ang establisimyento.

Dalawang bagitong pulis ang napabilang sa mga unang nasawi sa Marawi siege. Sa kabuuan, pitong pulis ang napatay habang mahigit 60 iba pa ang nasugatan sa limang-buwang bakbakan.

“The police station was taken from us, that’s painful for us because our position was taken by the enemy. They even burned it,” ani dela Rosa.

Aniya, labis na naapektuhan ang morale ng mga pulis-Marawi, gayundin sa mga kalapit na lugar, sa naging pag-atake ng Maute Group.

“Right now, we are trying to reinvigorate the morale of the Marawi City Police by helping them right away rebuilding their station, their home,” paliwanag pa ni dela Rosa.

Kabilang ang Special Action Force (SAF) ng PNP sa mga nakipagbakbakan sa mga terorista sa siyudad sa nakalipas na mga buwan.

Inaasahang ngayong linggo ay magsisiuwian na sa kanilang headquarters sa Bicutan, Taguig City at sa Sta. Rosa sa Laguna ang mga SAF commando, at kikilalanin ang kanilang kabayanihan sa isang seremonya, ayon kay dela Rosa.

Samantala, may mahalagang leksiyong natutuhan si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Eduardo Año sa Marawi siege—sinabi niyang hindi na mauulit ang “failure to appreciate intelligence” ng militar.

Inamin ni Año na nagkulang ang AFP sa pagpapahalaga sa intelligence information kaugnay ng presensiya ng Maute Group sa mga bayan ng Butig at Piagapo sa Lanao del Sur, na bahagi pala ng planong sakupin ang kabisera ng lalawigan, ang Marawi.

Sinabi ni Año na nang mga panahong iyon ay abala ang AFP sa pagtugis sa Abu Sayyaf Group sa Basilan, Sulu at Maguindanao.