Ni: Lyka Manalo
LIPA CITY, Batangas - Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki at anak niyang menor de edad matapos makumpiskahan ng umano'y aabot sa P400,000 halaga ng hinihinalang shabu sa Lipa City, Batangas, nitong Lunes.
Kinilala ang suspek na si Jonathan Mendoza, 44; at anak niyang 17 anyos.
Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 2:30 ng hapon nang ikinasa ng mga operatiba ng Anti-Illegal Gambling Operations Team ang operasyon sa City Park Subdivision sa Barangay Sabang.
Naaresto ang mga suspek habang nangongolekta ng taya para sa Small Town Lottery subalit walang naipakitang ID o anumang dokumento mula sa Batangas Enhanced Technology System (BETS).
Sa pag-iimbestiga, nakumpiska umano mula sa mga suspek ang isang eco bag na naglalaman ng limang malalaking sachet ng hinihinalang shabu na nakasilid sa mga envelope.
Sasampahan ng paglabag sa RA 9287 (Illegal Numbers Game) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) si Mendoza, habang nasa kustodiya naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang anak nito.