NI: Mary Ann Santiago
Mas madali na ngayon ang paghahanap sa mga puntod sa Manila North at South Cemeteries sa pamamagitan ng “grave finder” ng pamahalaang lungsod.
Hinikayat ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang mga residente na gumamit nito at mag-log-in sa http://www.manilasouthcemetery.com.ph at http://manilanorthcemetery.com/, kung saan makikita ang Grave Finder search box, upang mapadali ang paghahanap sa puntod at pagbisita sa mga nabanggit na sementeryo ngayong Undas.
Ayon sa alkalde, taun-taon nang problema ang paghahanap sa mga nawawalang puntod sa dalawang naglalakihang sementeryo sa Maynila, kaya inilunsad ng pamahalaang lungsod ang Grave Finder noong Oktubre 2016.
“You’ll just type in the name of the deceased and it will point you to the exact location of the tomb,” sabi ni Daniel Tan, director ng Manila North at South Cemeteries.
May mga mapa rin ng dalawang sementeryo sa mga website na ito, dagdag pa niya.
Sa tantiya ni Tan, aabot sa dalawang milyon ang dadagsa sa dalawang nabanggit na sementeryo at sa ilan pang pampublikong sementeryo sa lungsod ngayong Undas.
Sa utos naman ni Estrada, magtatalaga ang Manila Police District (MPD) ng aabot sa 2,000 pulis upang pangalagaan ang seguridad sa mga sementeryo.