NI: Mary Ann Santiago at Genalyn Kabiling

Si Commissioner Christian Robert Lim ang acting Chairman ngayon ng Commission on Elections (Comelec), kapalit ng nagbitiw na si Chairman Andres Bautista.

Sa isinagawang regular En Banc session kahapon, nagkaisa ang mga komisyuner ng poll body na hirangin si Lim upang pansamantalang mamuno sa kanila habang wala pang naitatalagang bagong chairman si Pangulong Duterte upang humalili kay Bautista.

“Commissioner Christian Robert Lim designated acting Chairman, by unanimous vote of Commissioners present at today’s @COMELEC En Banc,” pagkumpirma kahapon ni Comelec Spokesman James Jimenez.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay Jimenez, maaaring magluklok ang Pangulo ng ad interim chairman ng Comelec dahil naka-recess ngayon ang Kongreso, ngunit kailangan pa ring dumaan ang ad interim appointment sa makapangyarihang Commission on Appointment (CA).

Matatandaang Lunes ng gabi nang kinumpirma ni Bautista sa media na tinanggap na ni Pangulong Duterte ang kanyang pagbibitiw sa puwesto “effective immediately”.

Kasabay nito, kinumpirma ng Malacañang na wala pang napipisil ang Pangulo para maging kapalit ni Bautista.

“The Palace has accepted the resignation of Commission on Elections Chairman Andres Bautista effective immediately,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa press briefing sa Palasyo. “As an independent commission, the Comelec will resolve among its remaining Commissioners as to who will be its Office-in-Charge until such time the President appoints the new Chair.”

Una nang inihayag ni Bautista ang pagbibitiw niya sa puwesto sa Disyembre 31, 2017 sa harap ng mga alegasyon ng asawa niyang si Patricia na nagkamal umano siya ng nakaw na yaman sa panahon ng paglilingkod sa pamahalaan.

Sa araw na naghayag siya ng resignation ay in-impeach siya ng Kamara.

Kasunod naman ng agarang pagbibitiw ni Bautista sa tungkulin at kinansela na ng Kamara ang planong impeachment laban sa kanya sa pagiging “moot and academic”.