Ni: Aaron B. Recuenco

Inaresto ng militar at pulisya ang dalawang matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa pagsalakay sa kuta ng mga ito sa Bago City, Negros Occidental.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa na nag-ugat ang operasyon sa matinding intelligence build-up ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng pulisya at ng Philippine Army.

“I am pleased to announce the arrest of two ranking officials of the CPP-NPA last October 19 at about 1:30 p.m. in Barangay Dulao in Bago City,” sinabi ni dela Rosa sa press conference kahapon sa Camp Crame.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinilala ni dela Rosa ang mga inaresto na sina Aurora Cayon, alyas “Lilay”; at Louie Antonio Martinez, alyas “Louie Castro”.

Si Cayon ay napaulat na staff member ng National Finance Commission (NFC) ng CPP-NPA. Wanted siya sa mga kasong robbery with violence at arson.

Batay sa mga report ng pulisya at militar, ilang matataas na posisyon na ang nahawakan ni Cayon sa CPP-NPA, gaya ng pagiging miyembro ng Executive Committee at pangangasiwa sa finance unit ng Komiteng Mindanao, pagiging 2nd Deputy Secretary ng Southern Mindanao Regional Committee, at 2nd Deputy Secretary ng North Eastern Mindanao.

Samantala, si Martinez naman ay opisyal ng National Military Staff, Logistics, General Command ng CPP-NPA, at may akusado sa murder at multiple attempted murder.

Sinabi ni dela Rosa na nakumpiska mula sa dalawa ang isang .45 caliber pistol, isang granada, mga magazine ng baril at mga bala.