Ni REGGEE BONOAN
ANG galing at ang ganda ng launching ng Vice Ganda Cosmetics na ginawang Vice Ganda 4 All Concert sa Smart Araneta Coliseum nitong Linggo na almost sold out ang tickets.
Hindi ito ‘yung usual na concert ni Vice tulad ng mga nakaraang show niya kaya hindi masyadong nai-promote. Ang naging proseso, bibili ka ng cosmetics ng Unkabogable Star na may kalakip nang VIP ticket. Ang dami-daming bumili at sa katunayan ay nakita namin na kahon-kahon ang bitbit ng mga lalaking kasama ang kanilang girlfriends, may puro babae rin na ganoon din ang bitbit.
Nang i-check namin, affordable pala kasi ang cosmetics ni Vice na nakakaaliw ang mga pangalan ng bawat lipstick: Tarush, Kering-keri, Good Vibes, Kavogue, Aura, Hayabayabayu, Ganderz at Pak Ganern.
Batay sa mga narinig naming feedback, pawang magaganda ang kulay ng lipstick at napakasosyal ng packaging na mukhang mamahalin. Maganda itong panregalo all year round.
Bukod dito, lahat ng kulay ng lipsticks ay puwede sa maputi at morena. May ibang lipstick kasi na may binabagayan lang. Tama ang hashtag ni Vice, ‘Ganda For All.’
Maganda ang bagong negosyong ng TV host/actor/performer, kaya bukod sa resto-bar business ay nasa cosmetics business na rin siya.
Performer siya na tiyak mamahalin ang mga binibiling lipstick dito at sa ibang bansa kaya siguro nagtayo na lang ng sarili niyang cosmetic lines kasama ang mga kaibigan at staff bilang kasosyo tulad nina Macky and Ana Samaco, Au Mauricio, Rhoda Aldenese, Jon Lim, Cathy Lao, Kate Valenzuela, Ruben Rodriguez, at Arsenio Valencia.
Kuwento ni Kate nang tawagan namin kahapon, siya ang namamahala sa Vice Cosmetics, kinukuha sanang endorser ang TV host ng kaibigan niyang sina Macky at Ana na may cosmetics business sa Amerika (may puwesto sila sa Walmart, Costco at Target).
“Ayaw ni Vice maging endorser lang, gusto niyang magkaroon ng cosmetic line, so hayan kaya nagkaroon na ng lipstick muna this year. Early next year, isusunod na ang sa mga eyes, powder/foundation.
“Si Vice mismo ang nagpababa ng presyo para maski raw estudyante kayang bilhin. Dati kasi ang presyo ng bullet (lipstick), nasa P200 plus or almost P300, pero sabi ni Vice gawing P195 lang, ‘tapos ‘yung lipliner at liquid ay P295.
“’Tapos ‘yung bawa’t pangalan ng bullet at lipliner/liquid tulad ng Girly, Unicorn, Showtime Star, etcetera, si Vice lahat nagpangalan lahat. Cute naman, di ba?” masayang tinig ni Kate sa kabilang linya.
Nabanggit din na may ilang staff si Vice na isinosyo sa negosyo.
“Tulad nu’ng make-up artist niya, ‘yung tagagawa ng wig niya, lahat ‘yun kasi gusto niya may negosyo rin pagdating ng araw na wala na siya. Eventually magkakaroon na rin kami ng wig since gumagamit naman siya nu’n.”
Ang isa sa partners ng Vice Cosmetics ay kunektado sa luxury line, at inaasahan nila na hindi magtatagal ay magkakaroon na rin nito sa mga pangunahing outlets/stores sa ibang bansa.
Hmmm, kailan naman kaya papasukin ni Vice ang shoes o eyewear business tutal mahilig din siya sa mamahaling sapatos at eyewear.”
Good luck sa ‘yo, Vice at sana marami ka pang matulungang tao sa pamamagitan ng mga negosyo mo.