KUNG gaano ka-solid sa pangangatawan, gayundin ang laro ni Alvin Pasaol para sandigan ang University of the East sa mahigpitang 73-64 panalo kontra University of the Philippines nitong Linggo sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre.

Hataw ang 6-foot-3 hulk na si Pasaol sa nakubrang 32 puntos at 13 rebounds para sa ikatlong panalo ng Warriors sa 10 laro. Tinuldukan ni Pasaol ang impreibong opensa sa isang three-pointer para hilahin ang bentahe ng UE sa 68-58 may 2:49 sa laro.

Dulot nang mahabang playing time, nagtamo ng pulikat si Pasaol, ngunit patuloy itong nakibaka para masiguro ang panalo ng Warriors.

May nababanaag pang pag-asa sa kampanya ng Warriors sa Final Four, ngunit ngayon pa lamang may dapat nang ipagdiwang ang Recto-based cagers dahil napantayan nila ang 3-7 karta sa kanilang marka sa nakalipas na season. May nalalabi pang apat na laro ang UE.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Bagsak ang Maroons sa 4-6, sa likod ng Far Eastern University at National University (5-5).

Naitala ni Pasaol ang 49 puntos sa laro laban sa La Salle sa first round ng elimination.

Iginiit naman ni UE coach Derrick Pumaren na ang depensa ng Warriors ang kanyang ikinasiya.

“I think we did a great job defensively on three guys that we needed to contain, Desiderio, (Jun) Manzo, and (Ibra) Ouattara,” sambit ni Pumaren.

Nalimitahan ang leading scorer ng UP na si Desiderio sa walong puntos mula sa 3-of-18 shooting, habang nasukat din ang laro ni Manzo 3-of-11 para sa pitong puntos.

Nanguna sa UP si rookie Juan Gomez de Liano sa naiskor na 22 puntos, habang kumubra ang kapatid niyang si Javier ng 17 puntos at 11 rebounds.

Iskor:

UE (73) - Pasaol 32, Olayon 11, Derige 9, Manalang 7, Maloles 5, Varilla 4, Acuno 3, Bartolome 2, Conner 0, Gagate 0.

UP (64) - Ju. Gomez de Liano 22, Ja. Gomez de Liano 17, Desiderio 8, Manzo 7, Vito 4, Romero 4, Ouattara 2, Lim 0, Webb 0, Ricafort 0, Jaboneta 0.

Quarterscores: 21-13, 36-28, 48-47, 73-64.