ENFORCEMENT, engineering, education. Ito ang tatlong “E” sa pangangasiwa ng trapiko, na matagal nang sakit ng ulo sa Metro Manila.
Ang engineering ay tumutukoy sa pagpapatayo ng mga imprastruktura tulad ng mga kalsada, tulay, overpass, riles, at subway upang makaagapay sa patuloy sa pagdami ng mga sasakyan. Nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa mga proyektong ito. Marami na tayong naitayong mga overpass at riles sa Metro Manila subalit isang pangunahing proyekto — ang kalsadang mag-uugnay sa North at South Luzon Expressways — ay hindi pa rin natatapos, nababalam ng mga usapin tungkol sa right of way.
Ang education ay tumutukoy naman sa paghimok sa publiko na gawin ang kanilang ambag, sa pamamagitan ng maayos na pagtalima sa mga batas trapiko, at higit sa lahat, maging disiplinado at magalang sa paggamit ng kalsada at sa kapwa motorista, laging isaalang-alang ang karapatan ng mga kapwa motorista at mga pedestrian. Natukoy nang sa mga lugar na gaya ng Clark, awtomatikong humihinto ang mga motorista kapag red light at nananatili rin sa kanilang lane, subalit ang paese-eseng pagmamaneho, pagharang sa mga intersection, at pagsuway sa mga traffic light ay karaniwan nang ginagawa sa Metro Manila.
Ito ang dahilan kaya mahalagang maipatupad nang maayos ang mga batas trapiko sa Metro Manila, kaya naman ngayong papalapit na ang Pasko ay bumuo ng bagong grupo ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT), na tinawag nitong Task Force Alamid, upang tutukan ang mga kalsadang patungo at palabas ng mga paliparan, pantalan, at iba pang sentro ng transportasyon sa siyudad.
Daan-daang tauhan ang itinalaga sa task force mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Highway Patrol Group (HPG), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Tutukan ng pagpupursige ng task force ang trapiko sa paligid ng mga paliparan at pantalan kaugnay ng inaasahang pagdating ng milyun-milyong balikbayan at turista, gayundin ang pag-alis ng mga taga-Metro Manila pauwi sa kani-kanilang lalawigan sa taunang sabay-sabay na pagbiyahe tuwing holiday na naging bahagi na ng tradisyon at kulturang Pilipino.
Nakatutuwang maagang sinimulan ang proyektong ito. Unang beses itong masusubukan sa huling bahagi ng buwang ito, sa pagdating sa bansa ng mga dayuhang delegasyon para sa ASEAN Summit sa Oktubre 23-24, at sa ASEAN Summit and Related Meetings sa Nobyembre 10-14.
Kasabay nito, maaaring magpatupad ang mga awtoridad ng trapiko ng iba pang mga hakbangin, gaya ng pagbibigay-tuldok sa operasyon ng mga kolorum na bus at iba pang mga sasakyan, pagbabawal sa pagpaparada ng sasakyan sa mga kalsadang magsisilbing alternatibo sa mga pangunahing kalsada gaya ng EDSA, at pagpapahusay sa serbisyo ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit upang makapagsakay ng mas maraming pasahero.
Ang pinagsama-samang epekto ng lahat ng pagsisikap na ito ay dapat na maramdaman na ng publiko sa pagsapit ng Pasko. Tayo rin ang makikinabang sa magiging tagumpay nito sa mga susunod na buwan ng bagong taon, habang inaantabayanan natin ang pinakamabuting ginhawa na ipagkakaloob ng mga bagong kalsada at riles sa Metro Manila.