UMAABOT sa 25,000 ang bilang ng health professionals na kinakailangan ngayon ng gobyerno.
Itatalaga ang karagdagang health workers sa iba’t ibang rural areas sa bansa susunod na taon.
Isiniwalat ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na binuksan na ng Department of Health at mga regional office nito ang aplikasyon para sa kakailanganing 20,527 nurse, 3,108 midwife o kumadrona, 446 na doktor, at 324 na dentista.
Sisimulan ang deployment ng mga nasabing health worker sa Enero 2, 2018 hanggang Disyembre 31, 2018.
Nangangailangan din, aniya, ang Department of Health ng medical technologies, pharmacists, universal health care implementers, public health associates, at gamily health associates.
“We’ve already set aside P9.7 billion to pay for their salaries and benefits next year,” pahayag ni Pimentel, na miyembro ng House appropriations committee.
Ayon sa mambabatas, nagbigay ng katiyakan ang Department of Health na ang mga empleyadong health worker ay makakatanggap ng kaparehong starting pay sa kani-kanilang counterpart na may permanenteng posisyon sa gobyerno.
Binanggit ng kongresista na ang enlisted nurses ay makakatanggap ng buwanang sweldo na 29,000 at mga benepisyo, habang ang mga doktor ay may buwanang sahod na P70,000 bukod pa sa mga beneopisyong ibabatay sa ‘higher pay rates’ na magiging epektibo simula Enero 1, 2018, alinsunod sa third tranche ng Salary Standardization Law of 2016.
Ang recruitment ng mga karagdagang health professional ay nagsimula noong Oktubre 1 at magtatapos sa Disyembre 31, ngayong taon.
Puwedeng i-download ang application form sa website ng Department of Health at ipadala sa regional director ng kagawaran kalakip ang authenticated copies ng diploma/transcript of record (para sa unang beses na mag-a-apply), at mga kopya ng board rating/civil service eligibility, gayundin ang sertipikasyon ng mga dinaluhang pagsasanay o seminar. - Department of Health