Ni ARIEL FERNANDEZ

Makaraang dagsain ng tulong pinansiyal, nakauwi na sa Senegal ang 17-anyos na football player na naloko sa pekeng imbitasyon na maglaro siya sa Pilipinas.

Samate copy

Ayon kay Airport Police Officer Jaime Estrella, sakay ng Ethiopian Air ay nakauwi na sa Senegal ang dayuhang binatilyo na si Moussa Kissima Samate nitong Sabado ng gabi.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sinabi ni Estrella na nakalikom sila ng mahigit P10,000 na kanilang ginastos para makauwi na si Samate.

Ang perang nalikom ay mula sa mabubuting loob na empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nakilalang sina Jeenee Desiderio Garcia, Mars Ramirez, Ms Karen Ramirez, pawang kawani ng senior assistant general manager ng ahensiya.

Ang nasabing halaga ay kaagad na ipinambayad sa rebooking fee ni Samate, na labis ang naging pasasalamat sa mga tumulong sa kanya.

Nauna rito, nag-abot din ng tulong kay Samate ang Philippine Football Federation, sa pangunguna ng isang Atty. Edwin Gastanes at Coach Marlon Maro. Tumulong din sa binatilyo sina Miko Domingo, Carlo Domingo, Jing Domingo, at isang Atty. Edison James Pagdilaw, na bukod sa pera ay nagbigay din ng jacket, medyas, T-shirt, jersey, short pants, pantalon at pagkain sa dayuhan.

Oktubre 12 nang dumating sa bansa si Samate sakay ng Ethiopian Airline, matapos siyang makatanggap ng invitation letter para maglaro ng football sa Pilipinas, pero halos isang linggo lang siyang nagpalabuy-laboy sa NAIA.