Makakamenos pa rin ng mga estudyante sa pasahe kahit Sabado at Linggo at holiday at sisimulan ito bago matapos ang Oktubre, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa Memorandum Circular 2017-024 ng LTFRB na inisyu nitong Oktubre 11, nakasaad na “Students can avail of the 20% discount from Monday to Sunday, including summer breaks, legal and special legal holidays.”
Ang bagong circular ay isang pagbabago sa LTFRB MC 2005-014, o ang fare discount na ibinibigay sa mga senior citizen, may kapansanan, at estudyante.
Saklaw sa memo ang pagbibigay ng diskuwento sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan sa lahat ng estudyante, kahit pa weekends, holiday o summer breaks.
Inihayag ni LTFRB member at spokesperson Atty. Aileen Lizada na inamyendahan ng ahensiya ang circular makaraang makatanggap ng mga reklamo sa social media hinggil sa diskuwento sa pasahe ng mga estudyante.
Gayunman, ang mga post-graduate student, o mga estudyanteng kumukuha ng medicine, law, masteral, doctoral degrees, at iba pa, ay hindi saklaw ng fare discount.
Magiging epektibo ang kautusan simula sa Sabado, Oktubre 28. - Alexandria Dennise San Juan