Ni JIMI C. ESCALA
NOMINADO si Zanjoe Marudo sa International Emmy Awards 2017. Ngayon pa lang ay usap-usapan na at may mga nagsasabing malaki ang pag-asa ng aktor na masungkit ang award.
Pero ayon kay Zanjoe nang dumalo sa kaarawan ni Direk Mario J. delos Reyes sa Pepeton’s Bar and Grill, hindi siya umaasa na manalo. Tama na raw ‘yung napansin ang acting niya ng naturang international award-giving body.
Mga bigating artista raw kasi ang makakalaban niya tulad ng Hollywood actor na si Kenneth Branagh.
“Well, tama na sa akin ang nominasyon, okey lang kung hindi ako ang mananalo. Isang malaking karangalan na para sa akin ang mapansin ng Emmy. Kumbaga, ‘yung mapasama sa nominees bilang best actor, wow na sa akin ‘yun,” sey ni Zanjoe.
Napansin ng Emmy Awards si Zanjoe dahil sa kanyang epektibong pagganap bilang single father sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya na pinalaki ang mga anak sa loob ng kuweba nang gibain ng bagyo ang kanilang bahay.
Ikinatutuwa ni Zanjoe ang sunud-sunod na pagbati sa kanya ng mga kasamahan sa showbiz at mga kaibigan dahil sa natanggap niyang recognition sa Emmy. Doon pa lang daw, ang pakiramdam niya ay nagwagi na siya.
Gaganapin sa November ang awarding rites at ngayon pa lang daw ay nakaramdam na ng kaba si Zanjoe hindi dahil sa nominasyon kundi dahil daw sa sobrang excitement na lalakad siya sa red carpet ng Emmy International Awards.