ni Dave M. Veridiano, E.E.
TAAL na Manilenyo ako. Ipinanganak at lumaki sa Tondo. Proud ako sa pinanggalingan kong ito na kinailangan kong iwan noong dekada ‘90 nang lumipat kami sa Quezon City upang mapalapit sa pinagtatrabahuhan naming mag-asawa.
Ngunit nakalulungkot sabihing tuwing bumabalik at napapadaan ako sa mga makasaysayang lugar na aking sinilangan, ‘di maikakaila ang malaking pagbabago—ang unti-unting pagkawala ng dating mga kaaya-ayang tanawin na binabalik-balikan ng mga turista sa Maynila—sa mga pangunahing lugar ng Intramuros, Ermita, Malate, Divisoria, Binondo, Quiapo, at Sta Cruz.
Karamihan sa mga ito ay wari kong nalalambungan ng kadiliman, nagliitan ang mga kalsada at iskinita, at may ‘di kaaya-ayang amoy na nagmumula sa mga nakatambak na basura ‘di kalayuan sa mga kantong ginawang himpilan ng mga pampasaherong jeep at tricycle. Patunay na waring napapabayaan na ito ng mga liderato na kung ilang taon na ring “naninirahan” sa loob ng MAYNILAD.
‘Di ko maiwasang mapapalatak nang paulit-ulit lalo pa’t nakikita ko ang malaking kaibahan ng mga nasabing lugar sa Maynila kapag bumibiyahe ako sa iba-ibang lugar sa Quezon City na nagsilbing tirahan ko halos tatlong dekada na ngayon, na ramdam ko ang malaking pagbabago tungo sa kaunlaran!
Sabi nga ng ilang kaibigan kong galing din sa ibang lugar sa Metro Manila at lumipat sa Quezon City nang makabili ng mura ngunit magagarang bahay sa mga subdibisyon dito, ‘wag ko raw ikumpara ang Maynila sa QC dahil, “No contest, bro!”
Totoo naman talaga ang sinasabi nila. ‘Di hamak na malaki ang pagkakaiba ng mga lugar sa Quezon City at Lungsod ng Maynila lalo pa’t ang pagbabatayan ay ang Kaunlaran, Kalinisan, at Serbisyo Publiko na aming pare-parehong nakakamtang mga taga-QC.
Naimbitahan ako sa isang pagtitipon sa Quezon City Hall noong nakaraang linggo. ‘Di puwedeng tanggihan si Ares Gutierrez, isang dating kasamahan na mamamahayag na PIO na sa QC, kaya dumalo ako. Napakinggan dito ang buong detalye ng “8th State of the City Address (SOCA)” ni Mayor Herbert M. Bautista na binigkas niya sa harap ng lahat ng empleyado at barangay ng siyudad.
Sa SOCA ay inisa-isa ni Mayor Herbert ang mga natatanging accomplishment ng kanyang administrasyon. Sa loob-loob ko, may katuwirang magmalaki si Herbert sa kanyang mga nagawa bilang mayor ng pinakamalaking siyudad sa buong Metro Manila—na sa kabila ng lawak nito ay humahalimuyak ang KALINISAN at nakikita at nararamdaman ng mga tao ang KAUNLARAN.
Hindi ko na isinulat para iisa-isahin at ulitin ang mga ipinagmalaking nagawa ni Mayor Herbert sa binasa niyang SOCA—sapat na marahil na sabihin kong maraming “sakong bigas” ang dapat na isaing at kainin pa ng mga namumuno sa Lungsod ng Maynila upang makadikit sa mga biyaya at serbisyong tinatamasa naming mga taga-Quezon City.
Opo, isa na rin ako sa mga matatawag na “Proud QC Boy”—dito na rehistrado para bumoto tuwing eleksiyon ang aking buong pamilya—lalo pa’t patuloy ang nararamdaman naming mainit na serbisyo publiko at nakikita naming patuloy na pag-unlad sa kapaligiran na aming tinatawag na tahanan!
‘Di ko pa rin naman tinatalikuran ang aking pagiging saradong “Tondo Boy”—kumilos lamang sana nang “walang pag-iimbot at buong katapatan” ang mga opisyal na nasa MAYNILAD sa ngayon, ay kaisa nila ako sa lahat ng proyekto para sa ikagaganda at ikauunlad nito!
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].)