ni Orly L. Barcala
Nagsagawa ng sorpresang Oplan Greyhound ang mga kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Valenzuela City Jail, nitong Sabado ng umaga.
Pinalabas sa selda ang lahat ng preso at ininspeksiyon ang mga tulugan at mga gamit nila upang mabatid kung may mga cell phone, baril, patalim, at ilegal na droga.
Iniikot din sa mga selda ang mga K-9, pero negatibo sa droga ang bilangguan.
Tanging mga ballpen, rice cooker, sandok, posas, at beauty products ang natagpuan sa mga selda matapos ang apat na oras na paghahalughog na sinimulan bandang 10:00 ng umaga.
Ayon kay Valenzuela City Jail Warden, Chief Insp. Emmanuel Bang-Asan, doble-higpit sila sa mga dalaw upang masiguro na walang makalulusot na kontrabando, partikular ang droga.
Nasa 1,400 ang lalaking bilanggo sa Valenzuela City Jail, habang 250 naman ang babae, na masasabing congested dahil 300 lang ang kapasidad ng piitan, ayon kay Bang-Asan.