NAPUTOL ng National University ang two-game losing skid. Sa panig ng University of Santo Tomas, walang tigil ang pagsablay ng Espana-based cagers.

Naitarak ng NU Bulldogs ang 91-83 panalo sa sablay pa ring UST Tigers kahapon sa UAAP Season 80 basketball tournament second round sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Kumawala sa depensa ng Tigers sina Issa Gaye at Matt Salem para sandigan ang NU sa krusyal na panalo para mahila ang karta sa 4-6 at manatiling kumakahol para sa Final Four.

Nanatili namang paos ang Growling Tigers na lugmok sa 0-10 – isa sa pinakamasamang kampanya ng dating kampeon sa liga sa nakalipas na mga taon.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa kabila ng suspensiyon ni Bulldogs coach Jamike Jarin, punong-puno ng diskarte ang opensa ng NU para makabawi sa huling kabiguan laban sa nangungunang Ateneo (10-0). Sa naturang laro, napatalsik si Jarin matapos magtamo ng dalawang technical fouls.

Pinangasiwaan ni NU assistant coach at two-time PBA Most Valuable Player Danny Ildefonso ang ratsada ng Bulldogs.

“Thank you sa mga players ko. May instruction kami pero sila pa rin ang maglalaro para sa amin,” sambit ni Ildefonso.

Kumana sina Gaye at Salem ng tig-22 puntos, habang si Salem ay may nahugot ding 10 rebouds.

Nagawang makabante ng Bulldogs sa pinakamalaking 15 puntos.

Pinangunahan nina Gaye at Salem ang 14-2 run sa third period para mahila ang 55-56 deficit sa 69-58 bentahe sa pagtatapos ng naturang quarter.

Nagpatuloy ang ratsada ng NU at sa dunk ni Salem tuluyang lumayo ang Bulldogs sa 80-65 may pitong minuto ang nalalabi sa laro.

Nanguna si Steve Akomo sa UST sa nahugiot na 16 puntos at 12 rebounds, habang humarbat si Marvin Lee ng 15 puntos.

Iskor:

NU 91 - Gaye 22, Salem 22, Alejandro 10, Abatayo 10, Joson 7, Mosqueda 5, Bartlett 5, Yu 5, Diputado 3, Aquino 2, Tibayan 0, Morido 0, Cauilan 0.

UST 83 - Akomo 16, Lee 15, De Guzman 14, Caunan 11, Faundo 8, Sta. Ana 6, Huang 6, Escalambre 3, Basibas 2, Soriano 2, Romero 0, Macasaet 0.

Quarterscores: 24-21; 40-43; 69-61; 91-83.