PAGKATAPOS itong magtagumpay sa pagpatay sa dalawang ldier ng mga teroristang Maute Group na umatake sa Marawi City simula noong Mayo 23, eksaktong limang buwan na ang nakalipas, itinuon na ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang atensiyon nito sa mga Komunistang puwersa ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, ang mga batalyon ng sundalo ng Philippine Army na nakipagbakbakan sa Marawi ay ipadadala naman sa Eastern Mindanao, kung saan maraming liblib na lugar ang pinamumugaran ng NPA. Magre-recruit ang Army ng 5,000 sa tropa at pakikilusin ang karagdagang 10 infantry battalion, at anim sa mga ito ang itatalaga sa Eastern Mindanao, ayon sa heneral.
Nakatutuwang pakinggan ang kumpiyansa ng heneral, subalit hindi natin dapat kalimutan na ang NPA ay matagal nang pinoproblema ng ating gobyerno. Nagrerebelde na ang mga ito simula 1969—o 48 taon na ang nakalipas—nang buuin ito ni Bernabe Buscayno, alyas Kumander Dante, at ni Lucio Manlapaz na may layuning maglunsad ng “people’s war” bilang ang armadong puwersa ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Sa mga sumunod na taon, ilang administrasyon na ang nagtangkang magkaroon ng usapang pangkapayapaan sa NPA subalit nabigo silang lahat, marahil dahil hindi matanggap ng gobyerno ng Pilipinas, na tradisyunal nang demokratiko, ang napakaraming kahilingan ng NPA. Nang maluklok sa puwesto si Pangulong Duterte noong nakaraang taon, isa sa mga una niyang inatupag ay ang pakikipag-ugnayan kay Jose Manlapaz Sison, ang founding chairman ng CPP, at kasunod nito ay idinaos na ang serye ng mga pulong sa Norway at sa Netherlands. Subalit bigo na rin ngayon ang negosasyong ito.
Ayon kay General Año, nagpalabas na si Pangulong Duterte ng bagong mandato sa AFP upang ibaling ng militar ang atensiyon nito sa NPA. Malinaw na batid niyang hindi lamang suliraning militar ang sasabakahin, sinabi ni Año na malapit nang simulan ng gobyerno ang programa nito para sa malawakang kaunlarang pang-ekonomiya. Magtatayo ang pamahalaan ng mga pangunahing kalsada, tulay, at riles sa Mindanao na, ayon sa kanya, ay hindi maisasakatuparan hanggang nariyan ang problema sa kapayapaan at kaayusan.
Maaari ring busisiin ng gobyerno ang mga usaping napagkasunduan nito sa pakikipagnegosasyon sa CPP, NPA, at sa National Democratic Front nang magsagawa ng mga usapang pangkapayapaan sa Norway at Netherlands. Saklaw ng mga kasunduang ito ang dalawang malalawak na isyu—socio-economic at political-constitutional.
Kahit pa ipatupad ng AFP ang bago nitong mandato mula kay Pangulong Duterte na magsagawa ng armadong kampanya laban sa NPA, dapat na marahil simulan ng gobyerno ang pagpupursigeng isaayos ang mga lugar na pinamumugaran ngayon ng NPA at papag-ibayuhin ang buhay ng mamamayan doon. Malaki marahil ang maitutulong ni General Año, na itatalagang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) matapos siyang magretiro bilang AFP chief sa Oktubre 26, sa pagsasakatuparan ng bagong programang ito ng Pangulo sa bago niyang posisyon bilang sibilyan.