Ni FRANCIS WAKEFIELD

Inihayag kahapon ng Joint Task Group Ranao na wala nang natitirang bihag ang Maute Group, na nakorner na lamang sa iisang gusali sa Marawi City, Lanao del Sur.

Sa press conference kahapon, sinabi ni Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Group Ranao, na nakorner na ng tropa ng gobyerno sa iisang gusali ang mga natitirang terorista.

Sinabi rin ni Brawner na wala nang hawak na bihag ang Maute Group sa ngayon, at pawang mga asawa o kaanak na lamang ang mga sibilyang kasama ngayon ng mga terorista sa nasabing gusali.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Wala na pong hostages… The latest number of hostages we rescued is 20,” sabi ni Brawner. “We believe that those who are inside that building have chosen to stay with their husbands.

“We gave them all the chance to surrender. We gave them all the chances to come out and in fact, some of them did. May mga lumabas pong asawa ng Maute (members), kasama ng hostages,” dagdag pa ni Brawner.

Ayon kay Brawner, nasa 30 terorista na lamang ang natitira sa Marawi, bagamat hindi nila alam kung ilan sa nasabing bilang ang buhay pa dahil na rin sa tuluy-tuloy na bakbakan hanggang kahapon.

“Our government forces will do everything to finish the firefight today,” sinabi ni Brawner kahapon. “It’s either mapatay nila ang lahat ng Maute-ISIS… or it’s either ma-capture natin o mag-surrender sila.”

Sa ika-153 araw ng bakbakan, sinabi ni Brawner na umabot na sa 919 ang napatay na terorista, at 864 na armas ng mga ito ang narekober.

Umaabot naman sa 1,780 ang nailigtas na sibilyan, habang 165 ang kabuuang nasawi sa hanay ng gobyerno, ayon pa rin kay Brawner.