MASUSUBUKAN ni WBC No. 12 contender Arthur "King" Villanueva ng Pilipinas ang kakayahan ng walang talong si bagong WBC bantamweight champion Mexican Luis "Panterita" Nery sa 10-round non-title bout sa Nobyembre 4 sa Gasmart Stadium sa Tijuana, Mexico.
Natamo ni Nery ang world title nang patulugin sa 4th round ang matagal naging kampeong si Japanese Shinsuke Yamanaka noong nakaraang Agosto sa Tokyo pero naging kontrobersiyal ang resulta nang magpositibo sa post-fight drug test ang Mexican nang may makitang Zilpaterol sa kanyang dugo.
Ayon sa Voluntary Anti-Doping Association (VAD), halos kahawig ang naturang bawal na kemikal sa Clembuterol na ginagamit para lumaki ang mga baka.
Ayon sa promoter ni Nery na si Fernando Beltran ng Zanfer Promotions, posibleng nakakain ng kontaminadong karne si Nery kaya habang hinihintay ang hatol ng WBC ay magiging aktibo ang boksingero sa pagharap kay Villanueva.
“Personally, and on behalf of my company Zanfer, we thank Mauricio Sulaiman, President of the World Boxing Council, for the opportunity that was given to Nery to become world champion,” sabi ni Beltran sa Philboxing.com. “We will wait and respect the resolution made by the WBC, but for now we announce that Nery will face a tough opponent, Filipino Arthur Villanueva, 10 rounds at bantamweight.”
Dalawang beses nang lumaban sa world title bout si Villanueva, pinakahuli noong nakaraang Abril nang talunin siya sa puntos ni South African Zolani Tete para sa bakanteng WBO bantamweight crown sa sagupaang ginanap sa Leicester, United Kingdom.
May rekord si Villanueva na 31-2-0 na may 17 pagwawagi sa knockouts samantalang may kartada si Nery na perpektong 24 panalo, 18 sa knockouts. - Gilbert Espeña