ni Lyka Manalo

LIPA CITY, Batangas – Inilunsad nitong Sabado ng pamahalaang panglalawigan, kaakibat ang Batangas Forum Group, ang pagpapasigla sa kapeng barako (Liberica coffee) upang makamit muli ang katatagan ng industriya ng kape at gawin itong isa sa pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga Batangueño.

Pinangunahan nina Gov. Hermilando Mandanas at Batangas Forum President Paquito Lirio ang seremonya ng pagtatanim ng buto ng kape kasunod ng programa sa tapat ng barangay hall sa Barangay Pinagtong-ulan, Lipa City.

Inihayag ni Mandanas na kasalukuyan nang itinatayo sa probinsiya ang kauna-unahang Food Terminal sa bansa na mayroong P20-bilyon investment, na kayang maging imbakan at lugar ng pagpoproseso gamit ang mga makabagong kagamitan upang mapag-produce ng de-kalidad na buto at butil ng kape.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Kailangan na nating i-revive ang kapeng barako dahil ang sagisag ng mga taga-Batangas ay ‘yung pagiging barako, mayabang, noble and dignified, kaya dapat yumaman din tayo sa kape, kapares noong una,” sabi ni Mandanas.

Batay sa kasaysayan, unang itinanim ang kapeng barako sa Bgy. Pinagtong-ulan noong 1740, at simula noon ay tinagurian ang Lipa bilang ikaapat na pinakamalaking producer ng kape sa mundo, at nag-iisang supplier ng kape noong 1886 hanggang 1888.

Dating Coffee Capital ng Pilipinas, bumagsak ang industriya ng kape sa Lipa nang sinalakay ng peste ang mga plantasyon at dahil sa iba pang kadahilanan, hanggang sa nagtanim na ng ibang pananim ang mga magsasaka.

Sinabi ni Provincial Agriculturist Engineer Pablito Balantac na sa kasalukuyan ay nag-aambag ang Batangas ng 13 porsiyento sa kabuuang produksiyon ng kape sa Calabarzon, pangalawa sa Cavite na mayroong 67%. Nasa 7% lang ang ambag ng rehiyon sa pangangailangan ng buong bansa.