ni Ric Valmonte
SABIK si Pangulong Duterte na ibigay ang kredito sa China sa pagkamatay ng terrorist leader na si Isnilon Hapilon nitong Lunes, sa Marawi City. Sa pulong ng mga businessmen at diplomat, sinabi ng Pangulo: “Nais kong opisyal na ipaalam sa iyo, Ambassador Zhao, na ang rifle na pumatay kay Hapilon ay ang sniper rifle na gawa sa China.”
Si Zhao ay Ambassador ng China sa bansa na kamakailan ay nag
kaloob dito ng 100 sniper rifle. Pero sa Facebook page ng isa sa mga miyembro ng Army Scout Rangers, iba ang istorya. Gabi raw nang mag-operate ang mga Rangers gamit ang thermal imaging na nasa M113 armored vehicle. Ang bala na pumatay, aniya, kay Hapilon ay nagmula sa baril na nasa ibabaw nito. Walang nabanggit na Chinese weapon o sniper.
Hindi nga rin alam ng mga Rangers na si Hapilon ay isa sa kanilang mga napatay kung hindi lang sinabi sa kanila ng mga tumatakas na bihag. Nang tanungin si Col. Romeo Brawner, Jr., deputy commander of Joint Task Force Group Ranao, kung anong baril ang nakapatay sa terrorist leader, hindi raw niya masabi dahil ang tropa ng gobyerno ay gumamit ng mga baril na gawa sa Amerika, China, at iba pang mga bansa.
Bakit masyadong partikular ang Pangulo sa baril na ginamit sa pagpatay kay Hapilon? Kailangan pa bang ipaalam sa China na ang ipinagkaloob nitong baril sa atin ang nakapatay sa kalaban? Pang-uuto na ito upang mabigyan na naman tayo ng armas. May kasabihan na ang nabubuhay sa baril, eh, sa baril din mamamatay. Hindi kaya ang mahalaga ay napatay si Hapilon, kung totoo itong terorista at panganib sa seguridad ng bansa.
Pero para sa akin, ang pinakamahalagang isyung dapat nating pag-aralang mabuti ay ang pamamaraang ginamit ng administrasyon para lipulin ang sa akala niya ay kalaban ng bayan. Iyon bang gibain mo ang siyudad at sirain mo ang sibilisasyon ay kinakailangan gawin upang ang kagaya ni Hapilon at kauri niyang grupong Maute ay mawala na rito?
Ang argumento ng administrasyon nang idenepensa nito sa Korte Suprema ang deklarasyon niya ng martial law sa buong Mindanao ay nais gawin nang estado ng Islamic State ang Marawi. May mga bandera na ng ISIS ang iwinagayway sa nasabing siyudad. Kung bakit dumating sa puntong ito na mananakop na ang kalaban, lokal at dayuhan, ay hindi nakapagbigay ng malinaw na dahilan ang Armed Forces of the Philippines. Ang tanging kayang gawin nito ay paulanan na lang ng mga bomba ang Marawi at padapain ang lahat ng istrukturang pinagkukutaan ng mga kaaway.
Naumpisahan nang ganito ang paglaban at paggapi ng umano ay mga kalaban ng taumbayan, madali nang masundan ito kung sa kapabayaan ng mga dapat mangalaga ng kaligtasan ng mamamayan ay may mga grupong kauri ng Maute at Hapilon na makapagtatag ng puwersa sa iba namang bahagi ng bansa.