Ni Genalyn D. Kabiling
Makalipas ang ilang buwan ng matindi at buwis-buhay na pakikipagbakbakan laban sa mga terorista sa Marawi City, ilang sundalo ang mabibigyan ng pagkakataong bumisita sa pinakamasayang lugar sa mundo—sa Disneyland sa Hong Kong.
Desidido si Pangulong Duterte na tuparin ang kanyang ipinangako na bibigyan ng all-expenses-paid na bakasyon sa Hong Kong ang ilang sundalong nakipagbakbakan sa Maute Group sa Marawi, ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
“Ayun po ay matutuloy iyon. Wala lang pang petsa na ibinibigay sa atin ang ating Pangulo. Pero ang pangako po ng ating Pangulo, lalo na doon sa mga women soldiers, na mula Day 1 hanggang Day 148 ay makakabiyahe sila ng Hong Kong,” sinabi ni Andanar sa isang panayam sa radyo.
“’Di ba may Disneyland, kasi alam mo tayong mga Pilipino gustong makakita ng Disneyland,” sabi pa ni Andanar.
Sinabi ni Andanar na sasagutin ng Pangulo ang hotel accommodation at pocket money ng mga sundalo, habang nag-alok naman ang Cebu Pacific na ibibiyahe ang mga sundalo patungong Hong Kong.
Una nang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Major Gen. Restituto Padilla na inaasahan ng mga sundalo ang bakasyon sa Hong Kong na ipinangako sa kanila ng Presidente.
“Excited ang mga sundalo na matapos na [ang Marawi crisis], eh, kasi tutuloy na sila sa Hong Kong,” ani Padilla.
Agosto nang ihayag ng Pangulo na gagastusan niya ang biyahe papuntang Hong Kong ng mga sundalong gagawaran ng medalya sa pakikipaglaban sa Marawi bilang gantimpala niya sa mga ito.