Nasa kustodiya ngayon ng Pasay City Police ang nagpakilalang freelance journalist makaraang makumpiskahan ng baril sa kanyang bag sa loob ng isang five-star hotel sa lungsod, kung saan magtse-check in ang ilang delegadong dadalo sa ASEAN Summit sa Nobyembre.
Isasailalim sa masusing interogasyon ng pulisya si Jeffrey Datuin, 24, umano’y freelance journalist.
Sa inisyal na ulat, dakong 3:35 ng hapon nitong Sabado nang mahulihan ng guwardiya ng hotel na nag-iingat si Datuin ng isang .22 caliber at mga bala nang magtse-check in siya sa naturang hotel.
Agad ipinabatid ng guwardiya ang insidente kay PO1 Adrian Jack Ancheta, nakatalagang pulis sa hotel, kaya inaresto si Datuin at idiniretso sa himpilan ng pulisya upang imbestigahan.
Sa pulisya, tumangging magbigay ng pahayag ang suspek tungkol sa insidente.
Posibleng maharap ang suspek sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Una nang inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko na nagpapatupad ito ng mahigpit na seguridad sa lahat ng lugar na pagdarausan ng ASEAN Summit sa susunod na buwan. - Bella Gamotea