ni Bert de Guzman
HINDI kaya fake news ang nalathalang balita noong Huwebes na si Sen. Antonio Trillanes IV ay nagbiyahe umano sa United States para hilingin sa mga senador doon na pigilan si US President Donald Trump na magtungo sa Pilipinas? Si Trump ay pupunta sa ating bansa dahil sa ASEAN Leaders' Summit sa Nobyembre.
Bunsod daw ng malalang paglabag sa karapatang pantao ng Duterte administration, sinisikap ng kritiko ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na kumbinsihin ang mga US senator na huwag nang ituloy ni Trump ang pagpunta sa bansa ni Juan dela Cruz. Nagulat naman ang staff ni Trillanes sa ulat na kinukumbinsi niya ang US senators na huwag tumuloy si Trump sa ‘Pinas.
Batay sa balita, nakausap ni Trillanes ang ilang US senators, kabilang si Florida Sen. Marco Rubio, nang magbiyahe siya sa Amerika upang talakayin ang human rights situation sa Pilipinas dahil sa madugong giyera sa droga ni Mano Digong at ng Philippine National Police (PNP) ni Gen. Bato.
Kinumpirma ni Sen. Rubio, ayon sa ulat, na nakapulong niya ang kritiko ng Filipino president batay sa Twitter account ng Florida senator noong Oktubre 18. Sinabi ni Rubio na pinag-usapan nila ni Trillanes ang US-Philippines alliance, paglaban sa kurapsiyon, at proteksiyon sa human rights ng mga tao sa harap ng malawakan at tandisang pamamaril at pagpatay ng mga pulis, vigilantes, at riding-in-tandem sa pinaghihinalaang drugs pushers at users.
Bukod pala sa pagbagsak ng trust at satisfaction ratings ni PRRD batay sa Social Weather Stations (SWS) survey (18%), bumagsak din ang public satisfaction ng mga institusyon ng pamahalaan, tulad ng Senado, Kamara at Supreme Court.
Bukod sa mga ito, parang hindi rin nasisiyahan ang mga tao sa serbisyo ng mga departamento at ahensiya ng gobyerno, partikular ang Bureau of Customs (BoC), na kamakailan ay nasangkot sa umano’y pagpupuslit ng P6.4-bilyon shabu. Gayunman, sa Pulse Asia survey, mataas ang natamong ratings ng ating pangulo. Sino kaya sa dalawang survey firms ang nagsasabi ng totoo?
Maganda ang Pilipinas sa kabila ng kahirapan na dinaranas nito. Nananatili itong isang magandang dilag sa Southeast Asia, nagtataglay ng mga lugar o isla na kahali-halina. Ang Boracay ay nananatiling “best... island in the world”, alinsunod sa ginawang survey ng Conde Nast Traveler, isang international traveler magazine.
“This itty-bitty island (just under 4 square miles) in the Western Philippines is as close to a tropical idyll as you’ll find in Southeast Asia, with gentle coastlines and transportative sunsets,” saad ng magazine. Pangalawa sa Boracay ang Cebu at mga isla sa Visayas, at pangatlo ang Palawan.
Mahigit sa 300,000 travellers ang lumahok sa 2017 Readers’ Choice Award survey ng Conde Nast Traveler magazine. Mga kababayan, ano pa ang hinihintay natin, punta na tayo sa magagandang lugar sa ‘Pinas. Kami ng ex-GF ko ay balak pumunta sa Boracay, dahil ‘di pa namin ito nararating gayong marami nang lugar sa ibang bansa ang aming napuntahan!