TOKYO (AFP) – Dalawang katao ang namatay, dalawang iba pa ang nawawala, at dose-dosena ang nagtamo ng mga pinsala sa pananalasa ng malakas na bagyo sa Japan, na nagpahirap din sa pagtungo ng mga botante sa polling precinct sa araw ng pambansang halalan.
Pinalikas ng mga awtoridad ang libu-libong mamamayan na naninirahan malapit sa baybayin bago ang pagtama ng bagyong “Lan”, na inilarawang ‘’very large and very strong’’, sa Tokyo at mga rehiyon sa paligid nito kahapon ng umaga.
Umalis ang bagyo sa kapuluan ng Japan dakong 9:00 ng umaga matapos hagupitin ang Shizuoka sa timog kanluran ng Tokyo sa loob ng anim na oras, sa lakas ng hangin na umabot sa 162 kilometro kada oras, ayon sa meteorological agency.
Sinuspinde ang biyahe ng tren sa Tokyo at mga karating na lugar, mahigit 800 flights ang nakansela, at hindi pinayagang maglayag ang mga barko. Nagkaroon din ng mga mga landslide at baha sa buong Japan.