Ni GENALYN D. KABILING
Ngayong pinangangasiwaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga anti-illegal drug operation sa bansa, plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na subaybayan kung magagawang tuldukan ng ahensiya ang matinding problema sa ilegal na droga sa susunod na anim na buwan.
Nagpahaging din ang Pangulo sa posibilidad na ibalik sa Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad sa kampanya kontra droga kung mabibigo ang PDEA na masugpo ang lahat ng tulak at adik sa bansa.
“Sabi ko sa mga pulis, ‘Huwag kayo makialam d’yan (drug war). Mga sundalo, huwag kayong makialam d’yan. Customs, police, huwag kayong makialam d’yan. Huwag—lahat walang makialam, PDEA lang.’ Oh, sige, tingnan natin, six months from now,” sinabi ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Cagayan de Oro City nitong Biyernes.
“Ngayon, ‘pagka lumabo na naman ito (drug war), sabihan ko ‘tong mga unggoy na ‘to, ‘Bumalik kayo dito, solbahin ninyo ang problema namin. Kayo ‘yung madaldal, ‘pagka hindi ninyo nasolba diyan, tutuliin ko kayo uli,” sabi ni Duterte, tinukoy ang mga kritiko ng drug war mula sa Western countries.
Una nang hinamon ng Pangulo ang mga kritiko ng kampanya kontra droga mula sa ibang bansa na magsilbing “lead role” sa pagresolba sa problema ng bansa sa ilegal na droga, sa “civilized way.”
Sa kanyang talumpati nitong Biyernes, sinabi ni Duterte na basta na lamang tinanggap ng mga dayuhang kritiko ng drug war ang ipinalalabas na bilang ng extrajudicial killings “[without] being circumspect.” Aniya, hindi man lamang nag-abala ang mga ito na beripikahin ang impormasyong ipinakakalat ng mga makakaliwa at ng puwersang “yellow”.
“‘Yun lang ang binabasa nila, that there were 10,000 extrajudicial killings. They don’t really bother to ask ‘yung the other side of it,” aniya.
Kung wala ang tulong ng pulisya at militar sa drug war, inamin ng Pangulo na hindi siya sigurado kung mareresolba ang problema ng bansa sa droga.
“Whether it will get worse or better, I simply do not have the answer,” sabi ng Pangulo. “You have to cope up with the 2,000-strong PDEA…Kung hindi ko na kaya, sinong makakaya nito?”
Matatandaang makalipas ang ilang buwan ng pag-ani ng batikos ng drug war, binago ng Pangulo ang kanyang estratehiya at kamakailan ay ipinaubaya sa PDEA ang pagsasagawa ng lahat ng anti-drug operations sa bansa.