Ni MARY ANN SANTIAGO

Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na epektibo ngayong Lunes ay bababa na siya puwesto matapos niyang matanggap kanina ang tugon ng Malacañang sa kanyang letter of resignation.

Comelec chairman Andres Bautista hold a press briefing at the Comelec building in Intramuros Manila yesterday and denies all the allegation of his wife.(photo by ali vicoy)
Comelec chairman Andres Bautista hold a press briefing at the Comelec building in Intramuros Manila yesterday and denies all the allegation of his wife.(photo by ali vicoy)

Sa press briefing, sinabi ni Bautista na sa nasabing liham na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea, na may petsang Oktubre 23, 2017 at natanggap niya dakong 2:00 ng hapon kanina, ay tinanggap ni Pangulo Rodrigo Duterte ang pagbibitiw niya sa posisyon “effective immediately”.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We refer to your letter tendering your resignation as Chairman of the Commission on Elections.

Upon the instruction of President Rodrigo Roa Duterte, I wish to inform you that your resignation is hereby accepted, effective immediately,” saad sa liham.

Ayon kay Bautista, sa kanyang pang-unawa ay epektibo na ang kanyang pagbibitiw sa puwesto kaya sinabi niyang simula bukas ay hindi na rin siya dadalo sa regular na en banc session ng Comelec.

Sinabi ni Bautista na mixed emotions ang kanyang naramdaman nang matanggap ang liham ng Pangulo.

Aniya, “relieved” siya ngunit nalulungkot din dahil mami-miss niya ang kanyang pamilya sa Comelec.

Mas makabubuti na rin naman, aniya, ito dahil mabibigyan ng pagkakataon ang papalit sa kanya sa puwesto para makapaghanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 2018.

Tumanggi namang magkomento si Bautista nang matanong kung sa pagbaba ba niya sa puwesto ay mangangahulugang “moot and academic” na ang kanyang impeachment.

Habang wala pa namang hinihirang si Pangulong Duterte na makakapalit ni Bautista sa posisyon, ang en banc muna ang magdedesisyon kung sino ang magsisilbing acting chairman ng Comelec mula sa kanilang hanay, ayon kay Bautista.

Pagsisilbihan ng bagong Comelec chairman ang unexpired term ni Bautista na hanggang Pebrero 2022 pa.