ni Clemen Bautista
BINUBUO ng mga sitio ang mga barangay sa iniibig nating Pilipinas, at ang mga barangay naman ang bumubuo sa mga bayan at lungsod sa iba’t ibang lalawigan. Karaniwan nang may mga sitio na malayo sa bayan, tulad ng ibang barangay na nasa bundok at isla. May nasa tabi ng dagat at ilog.
At palibhasa’y malayo sa bayan, madalang ang biyahe ng mga sasakyan. Isa sa umaga at isa sa hapon ang biyahe ng jeep. Kung minsan, matagal ang biyahe dahil masama ang lagay ng kalsada. Lubak-lubak. Maalikabok kung tag-araw, at maputik naman kung tag-ulan.
Kapag may bagyo, malakas ang ulan at may baha, nagdurusa ang mga nakatira sa sitio na malapit sa ilog at dagat. Napipilitan na pansamantalng lumipat sa evacuation center na mga silid-aralan ng mga public school building. Nagbabalik kapag tumigil na ang ulan, humupa ang baha, o lumayo na ang bagyo. Ang ganitong pangyayari ay nakasanayan na ng mga naninirahan sa mga sitio.
Ngunit sa paglipas ng panahon at sa harap ng mga pagbabago, sa pagsisikap ng masisipag na barangay captain at mga sitio leader ay narating ng pagbabago at pag-unlad ang mga sitio sa mga barangay.
Sa tulong at suporta ng mga lokal na opisyal at ng kanilang kinatawan sa Kongreso, nagawa ang mga kalsadang dati’y maputik at lubak-lubak. Naging aspaltado, at ang iba’y sementado. Nararating na ng maraming sasakyan. Maayos na nadadala sa bayan ang mga produkto mula sa mga sitio at barangay. Nagkaroon na rin kuryente; nagliwanag na ang mga tahanan at mga kalye. Narating na ng kaunlaran.
Sa Angono, Rizal, na Art Capital ng Pilipinas at bayan ng dalawang National Artist na sina Carlos “Botong’ Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro ay may isang kilalang sitio—ang Sitio Paso na sa pagitan ng Barangay San Roque at Barangay San Isidro. Ang pinakagitna ay ang mababaw na bahagi ng ilog ng Angono. Hanggang binti ang malakas at malinaw na agos ng tubig mula sa bundok.
Dati, noong wala pa ang mapaminsalang crushing plant na pumatay sa malinaw at maayos na agos ng tubig sa ilog ng Angono, mula sa Sitio Paso hanggang sa itaas na bahagi ng ilog papuntang bundok, doon naglalaba ang mga taga-Angono, gayundin ang mga dumadayo pa mula sa Taytay para maglaba.
Ang kalsada noon sa Sitio Paso sa Angono ay mababa at hindi aspaltado at sementado. Nahihirapan maglakad ang mga tao. Bihirang daanan ng mga sasakyan. Kung gabi’y natatakot magdaan ang mga tao sapagkat madilim at baka maholdap. Kawayanan ang isang tabi ng kalsada. Walang mga bahay ang kanang bahagi ng kalsada kung papunta ka sa ilog.
Ang unang pagbabago sa Sitio Paso sa Angono ay ang pagkakaroon ng tulay na sementado na nag-uugnay sa Barangay San Isidro at Barangay San Roque noong 2001. May taas na 20 talampakan, ang tulay ay ipinagawa ni dating Rizal Gov. Ito Ynares, Jr., na hiniling ni Mayor Gerry Calderon sa tulong ni dating Pangulong Joseph Estrada. Ang paggawa ng tulay ay kasabay na rin ng rehabilitasyon ng ilog Angono.
Sa ngayon, maayos, mataas at sementado na ang kalsada sa Sitio Paso. Noong nakaraang tag-araw, kasabay ng paggawa ng dike sa ilog ng Angono ng DPWH Rizal Engineering District, sa pangunguna ni District Engineer Roger Crespo at ni Rizal Rep. Jack Duavit, ang kalsada ng Sitio Paso ay natambakan at naging sementado. Maging ang approach o bukana ng tulay na dating mataas ay nabago. Hindi na hirap ang pagdaan ng lahat ng sasakyan.
Nagpaabot ng pasasalamat si Angono Mayor Gerry Calderon at ang mga taga-Angono sa Rizal Engineering District l at kay Rizal Rep. Jack Duavit.