ni Jun Fabon

Arestado ang pitong lalaking menor de edad makaraang maaktuhan umanong humihitit ng marijuana, na nabili nila sa pakikipagtransaksiyon online, sa Quezon City, iniulat ng pulisya kahapon.

Base sa report, pasado 10:00 ng gabi nitong Sabado na masorpresa ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District (QCPD) ang pitong menor de edad, nasa 14-17 taong gulang, na umano’y naaktuhan sa pot session sa Obanic Street sa Barangay Commonwealth.

Ito ay makaraang makatanggap ng ulat mula sa pamunuan ng nasabing barangay si QCPD-Station 6 commander Supt. Rossel I. Cejas tungkol sa pot session sa isang bahay sa lugar.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nasamsam ng mga awtoridad sa mga menor de edad ang dalawang bulto ng marijuana, drug paraphernalia, at P300 drug money.

Sa himpilan ng pulisya, inamin umano ng pito na inaya lang sila ng kanilang barkada na gumamit ng marijuana, na nabili nila online sa halagang P300 para sa dalawang maliliit na supot ng marijuana.

Dinala sa tanggapan ng PDEA ang mga binatilyo at nakatakdang i-turn-over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Hiling naman ng mga magulang ng mga suspek sa awtoridad na hulihin din ang mga nagbebenta ng droga na nambiktima sa kanilang mga anak.