ni Mary Ann Santiago
Natangayan ng $2,700, KRW 200,000, mamahaling gadgets at mga alahas ang dalawang Korean makaraang holdapin sila ng taxi driver at kasabwat nito, sa Malate, Manila, nitong Sabado ng gabi.
Personal na nagreklamo kay Chief Insp. Joselito De Ocampo, hepe ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), sina Jong Ho Lee, 42; at Chon Man Park, 38, kapwa pansamantalang nanunuluyan sa Bay View Park Hotel sa Ermita, laban sa hindi nakilalang mga suspek.
Sa salaysay ng mga biktima, nabatid na dakong 10:00 ng gabi nang sumakay sila sa Malate para magpahatid sa Pasay City, ngunit laking gulat nila nang idaan sila ng driver sa isang makipot na kalsada sa Malate at huminto ang taxi.
Ilang sandali pa ay may lumapit na lalaki sa taxi at binuksan ang likurang bahagi ng sasakyan, tinutukan umano nito ng patalim ang mga dayuhan at puwersahang kinuha ang kanilang mga gamit.
Nakalabas naman ng taxi ang mga biktima at tumakbong papalayo upang tumakas kaya naiwan sa compartment ng taxi ang kanilang mga personal na gamit, na tinangay na rin ng mga suspek.
Bigo naman ang mga biktima na matandaan ang plate number ng taxi.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para makilala ang mga suspek.