Ni: Joseph Jubelag

GENERAL SANTOS CITY – Isang bise alkalde sa Sultan Kudarat at dalawang iba pa, kabilang ang isang barangay chairman, ang inaresto sa pag-iingat ng ilegal na baril sa bayan ng Palimbang nitong Biyernes.

Kinumpirma ni Sultan Kudarat Police Provincial Office director Senior Supt. Raul Supiter na sinalakay ng mga naka-full battle gear na pulis ang bahay ni Palimbang Vice Mayor Haron Sabiwang, 57, sa Barangay Kolong-Kolong, at nasamsam dito ang isang M-203 grenade launcher at isang .45 caliber pistol.

Sinabi ni Senior Supt. Supiter na sinalakay din ng mga awtoridad ang bahay ni Abubakar Abdullah, chairman ng Bgy. Medol, at nakumpiskahan ito ng dalawang .45 caliber pistol.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dinampot din ng mga pulis si Abdullah Ibrahim, na armado ng .45 caliber pistol nang maabutan sa loob ng bahay ng chairman.

Pawang kakasuhan ng illegal possession of firearms, ikinulong sa himpilan ng Palimbang Municipal Police sina Abdullah at Ibrahim, habang idiniretso naman sa ospital ang bise alkalde makaraang tumaas ang presyon nito.

Matatandaang Oktubre 12 nang sinalakay din ng mga awtoridad ang bahay ni Palimbang Mayor Abubakar Maulana sa Bgy. Kolong-Kolong at nasamsam mula rito ang isang granada, bagamat nakatakas ang alkalde at iginiit na may bahid ng pulitika ang raid.

Kabilang si Maulana sa mga alkalde sa Mindanao na binawian ng deputation authority ng National Police Commission kaugnay ng pangangasiwa at kontrol sa lokal na pulisya dahil sa pagkakaugnay umano sa ilegal na droga at terorismo.