SA unang bahagi ng buwang ito, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi maaaring habambuhay na lamang na umasa ang Pilipinas sa Thailand at Vietnam sa seguridad nito sa pagkain, partikular na sa supply ng bigas sa bansa. Daan-daang libong kilo ang inaangkat nating bigas mula sa dalawang nabanggit na bansa kada taon upang matiyak na sapat ang pangunahing pagkain na ito ng mga Pilipino, aniya. Nagsalita siya sa paglulunsad ng Agrilink-Foodlink-Aqualink 2017 trade show sa Pasay City.
Naglunsad ang nakaraang administrasyon ng pangmatagalang plano para sa kasapatan ng bigas sa bansa subalit hindi naisakatuparan ang hangaring ito. Sa pagsisimula ng administrasyong Duterte, bumuo ng bagong programa si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, na nakatuon sa mabilis na paglilipat ng teknolohiya, pinadaling access sa ayudang pinansiyal, at mas epektibong pangangalakal.
Sa kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo na malalawak na lupain sa bansa sa ngayon ang ginagamit sa pagtatanim ng mga iniluluwas na produkto, tulad ng saging at pinya. “We have to rationalize things,” sabi niya. “We have to reserve enough land where we can plant our own food supply.”
Ang usapin natin sa produksiyon ng pagkain ay alinsunod sa pandaigdigang pagkilos na inilunsad ng United Nations sa pamamagitan ng Food and Agriculture Organization (FAO) nito, makaraang matuklasan ng ahensiya na ang pandaigdigang pagkagutom sa pagkain ay “on the rise for the first time in over a decade”, na nakaaapekto sa 815 milyong katao—o 11 porsiyento ng pandaigdigang populasyon.
Ang kawalan ng seguridad sa pagkain ang isa sa mga pangunahing dahilan ng migration sa mundo sa kasalukuyan, sinabi ni FAO Director General Jose Graziano da Silva sa opisyal na seremonya ng World Food Day nitong Oktubre 16 sa punong tanggapan ng ahensiya sa Rome, Italy. Si Pope Francis ang naglahad ng tampok na talumpati sa selebrasyon ng World Food Day, na iniugnay niya ang kabi-kabilang digmaan at ang climate change sa pagkagutom sa mundo, na pangunahing dahilan ng migration sa ngayon.
Digmaan din ang isa sa mga bagay na nagbunsod sa kabiguan ng Pilipinas na magkaroon ng seguridad sa pagkain, sinabi ni Pangulong Duterte sa Agrilink-Foodlink-Aqualink trade show. Ayon sa kanya, ang Mindanao ang may pinakamalaking potensiyal para matiyak ang seguridad sa pagkain, dahil na rin sa matabang lupa at paborableng klima ng rehiyon. Ang problema, aniya, ay ang mga bandido na nagsisilbing seryosong problema sa seguridad. Ngayong nananamlay na ang bakbakan sa Marawi, aniya, isusulong niya ang pagpapabuti sa Lake Lanao na, ayon sa kanya, ay kayang pakainin ang buong bansa sa sagana nitong mga isda at mga gulay.
Nakatutuwa ang pagpapahayag ni Pangulong Duterte ng interes sa produksiyon ng pagkain sa bansa—partikular na sa produksiyon ng bigas upang matigil na natin ang pagsalalay sa inaangkat natin mula sa Thailand at Vietnam, sa paglalaan ng mas maraming taniman para sa pagkain ng ating mamamayan at hindi para sa mga produktong iniluluwas, at sa pagpapaunlad sa Mindanao, na kahit ang Lake Lanao lamang ay sapat nang magkaloob ng supply ng isda para sa buong bansa.
Ang unang taon ng administrasyong Duterte ay itinuon sa pagsugpo sa banta ng ilegal na droga sa bansa at sa kurapsiyon sa pamahalaan. Susunod na tututukan ng gobyerno ang malawakang programa sa imprastruktura na magkakaloob ng trabaho habang nagtatayo ng mga kalsada at tulay, mga pantalan at paliparan, at iba pang pangunahing pangangailangan para sa pambansang kaunlaran. Inaantabayanan natin ngayon ang programa sa produksiyon ng pagkain para makaagapay sa pinakapangunahing pangangailangan ng mamamayang Pilipino.