Ni: PNA

MAAARING muling maitirik ang mga istruktura sa nawasak na Marawi City sa tulong ng debris na iniwan ng limang buwang bakbakan sa siyudad, ayon sa isang waste management expert.

Uubrang gamitin sa rehabilitasyon ng Marawi ang debris ng mga istrukturang nawasak sa labanan ng tropa ng gobyerno laban sa mga terorista, ayon kay National Solid Waste Management Commission (NSWMC) Secretariat Executive Director Eligio Ildefonso.

“Using most of that rubble will reduce the cost of rehabilitation there,” sabi ni Ildefonso, at idinagdag na sa pamamagitan nito ay mapapanatili ang bahagi ng kasaysayan ng siyudad.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon pa kay Ildefonso, ang paggamit sa debris ay alinsunod sa tatlong “R” ng solid waste management (SWM)—reduce, re-use, at recycle.

“It’s still within the ambit of Republic Act No. 9003 (Ecological SWM Act of 2000),” ani Ildefonso.

Isinusulong ng RA 9003 ang tatlong R upang makatulong sa pagbibigay ng proteksiyon sa kalikasan at mabawasan ang solidong basura.

Mayo nang inatake ng mga teroristang Maute Group ang Marawi City, at sumiklab ang matinding bakbakan sa kabisera ng Lanao del Sur.

Gayunman, makaraang ideklara ni Pangulong Duterte noong nakaraang linggo na malaya na sa impluwensiya ng terorismo ang siyudad, ay kaagad nang sinimulan ang paghahanda para sa malawakang rehabilitasyon ng Marawi.

Ayon kay Ildefonso, maaaring magamit ang mga debris sa Marawi bilang filling material, o pantukoy sa planting strips.

“There are creative ways of using the rubble,” ani Ildefonso, at hinimok ang mamamayan na pag-isipan ang kanyang mungkahi sa halip na basta na lamang hakutin ang mga debris at itambak sa ibang lugar.

Bukod sa debris, sinabi ni Ildefonso na maaari ring isailalim sa recycling at composting ang iba’t ibang basurang nagkalat ngayon sa lungsod.

Ang mga produktong malilikha mula sa pagre-recycle ay maaaring ibenta o gamitin sa personal na pangangailangan, ayon pa kay Ildefonso.