Ni: Clemen Bautista

MULA nang ilunsad ang giyera kontra droga ng Pangulong Duterte, na ipinatupad ng Philippine National Police (PNP), naging karaniwan at bahagi na ng balita araw-araw ang mga napapatay at tumitimbuwang na mga hinihinalang drug user at pusher.

Ang kampanya kontra droga noong una’y tinawag na “Oplan Tokhang”, na ang mga pulis ay kumakatok sa bahay ng mga pinaghihinalaang drug pusher at user para pakiusapang sumuko.

Ngunit ang anti-drug operation ay nagiging madugo sapagkat napapatay ang mga drug suspect. Ang naririnig na paliwang lagi ng pulis ay “nanlaban” ang mga drug suspect kaya napatay. Nalagay sa alanganin ang buhay ng mga pulis.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa paglipas ng mga araw at buwan, nagamit ang Oplan Tokhang sa katarantaduhan ng ilang bugok na opisyal at tauhan ng PNP. Ang Oplan Tokhang ay naging “Oplan Tokhang for Ransom”. Hindi na malilimot ang pagdukot sa isang negosyanteng Korean sa Angeles City, Pampanga. Nagbayad na ng P5 milyon ang misis ng negosyanteng Koreano pero pinatay pa rin ang biktima. Naganap ang pagpatay sa loob pa ng Camp Crame. Pina-cremate ang bangkay ng negosyanteng Koreano. Ang mga abo ay ipinalulon sa toilet bowl. Napahiya ang ating pamahalaan. Binuwag ang ahensiyang kinabibilangan ng tarantadong opisyal ng PNP na suspek sa pagdukot at pagpatay. Ang apelyido pa naman ay pangalan ng isang santa.

Marami tayong kababayan ang nagtatanong kung ano ang nangyari sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa kaaawa-awang negosyanteng Koreano. Napahiya ang PNP at ang pamahalaan sa nasabing pangyayari. Humingi ng paumanhin ang ating gobyerno sa pamilya ng biktima at sa pamahalaan ng South Korea. Nanamlay ang giyera kontra droga.

Makalipas ang ilang buwan, muling inilunsad ng PNP ang giyera kontra droga. Nakilala naman ang anti-drug operation sa tawag na ‘Oplan Double Barrel”. Ayon sa PNP chief, hindi na ito magiging madugo. Ngunit sa paglipas ng mga buwan, umabot na sa 3,850 ang napatay sa anti-drug operation ng PNP. At sa loob ng isang taon, umabot na sa 13,000 ang napatay kabilang na rito ang mga itinumba ng mga vigilante, na ang hinala ng iba nating kababayan ay mga pulis din, o kanilang mga asset o galamay.

Dahil sa nagaganap na madugong patayan sa kampanya kontra droga, umani na ito ng batikos sa mga human rights advocate, sa Simbahan, at sa iba’t ibang samahan na nagpapahalaga sa buhay ng tao. Hiniling na itigil ang pagpatay sa giyera kontra droga. Lalong naging matindi ang batikos sa giyera kontra droga nang pati mga teenager ay hindi na rin nakaligtas sa pamamaslang. Naging mitsa na tuloy ito ng national outrage o pagkagalit ng mamamayan. Nitong huli, ang kampanya kontra droga ay inilipat na ng Pangulong Duterte sa pangangasiwa ng PDEA.

Hindi humihinto ang Simbahan sa paghiling na itigil ang mga pagpatay kaugnay ng giyera kontra droga. Bilang pagtutol, simula noong Setyembre 23, tuwing 8:00 ng gabi ay pinatutunog ang mga kampana sa mga simbahan sa buong bansa.

Matatapos ito sa unang araw ng Nobyembre. Ang pagpapatunog ng mga kampana ng simbahan ay hudyat na oras na upang ipagdasal ang mga napatay sa giyera kontra droga.

Bilang bahagi ng patuloy na pagkontra ng Simbahan sa mga patayan kontra droga, sa darating na ika-5 ng Nobyembre, ang imahen ng Birhen ng Fatima ay dadalhin sa People Power Monument sa EDSA upang harapin ang naiibang kaaway—ang labag sa batas na mga pagpatay sa kampanya kontra droga ng Pangulong Duterte.

Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), lahat ay inaaanyayahan, kabilang ang mga sirkero at payaso sa pulitika ng administrasyon at ng oposisyon. Ang Nobyembre 5 ay ang simula ng 33 araw ng “healing period” na kasunod ng 40 araw ng kampanya ng Simbahan na “Itigil ang mga Pagpatay” at ipagluksa at idalangin ang mga biktima ng giyera kontra droga.

Isang misa muna ang gaganapin sa EDSA Shrine sa ganap na 3:00 ng hapon bago iprusisyon at dalhin ang imahen ng Birhen ng Fatima sa People Power Monument.

Sa bahagi ng pahayag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, sinabi niyang ang “healing period” ang maghahanda sa atin sa act of consecration o pagtatalaga sa Inang Imakulada o Mahal na Birhen. Ang desisyon sa healing period ay alinsunod sa pastoral statement na “Lord Heal Our Land”, na... inilabas ng CBCP noong Setyembre.

Naniniwala si Archbishop Villegas na national healing ay ang Panginoon lamang ang magkakaloob, darating ito sa atin sa pamamagitan ng mga kamay ng Kanyang ina.

Nanawagan din si Archbishop Villegas sa mamamayan na dumalo, at ang mga pari sa buong bansa ay magdaos ng misa sa mga lalawigan para sa mga hindi makapupunta sa EDSA.

Ang ika-5 ng Nobyembre ay paggunita sa “Lord Heal Our Land Sunday”. Inaanyayahan din ang kabataan, ang kanilang mga guro, mahihirap at mayayaman, mga manggagawa, entrepreneurs, pulis at militar, at ang majority at minority political parties.